Tsina, binatikos ang opisyal na Amerikano sa paninira sa pagsisikap ng Tsina’t ASEAN para sa kapayapaan ng SCS

2020-11-24 14:00:52  CMG
Share with:

Pinuna ng Tsina ang punong National Security Advisor na si Robert O’Brien sa paninira sa relasyong Sino-Pilipino, pananadyang paigtingin ang tensyon sa rehiyon, at panghihimasok sa mga suliraning panloob ng Tsina, habang dumadalaw siya sa Pilipinas.

 

“Tumatanggi ang Amerika na sumali sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), pero inaabuso ang mga tadhana ng UNCLOS para makapinsala sa karapatan at interes na pandagat ng ibang mga bansa. Hindi rin kasangkot na bansa ang Amerika sa hidwaan ng South China Sea, pero madalas na nagpapadala ito ng mga bapor na pandigma at eroplano para isagawa ang mga probokasyong militar sa karagatang ito. Higit pa rito, ginamit ng mga planong pandigma ng Amerika ang hex codes ng civil aircraft ng Pilipinas at iba pang mga bansa para sa pang-iispiya.”

 

Ito ang pahayag na inilabas nitong Lunes, ika-23 ng Nobyembre, 2020 ng  Embahadang Tsino sa Pilipinas bilang tugon sa pananalita ni Robert O’Brien, National Security Advisor ng Amerika, hinggil sa mga isyu ng South China Sea (SCS), Hong Kong at Taiwan sa kanyang pagdalaw sa Maynila.

 

Anang pahayag, ang naturang mga ginagawa ng Amerika ay nagpapatunay na ang Amerika ay pinakapangunahing dahilan ng militarisasyon ng SCS at pinakamalaking panganib na nagbabanta sa katatagan at kapayapaan ng SCS.

 

Diin ng pahayag, sa katatapos na Ika-23 Pulong ng mga Lider ng ASEAN at Tsina, buong pagkakaisang sinang-ayunan ng mga lider ng dalawang panig na pahigpitin ang diyalogo at pagsasanggunian, maayos na hawakan at kontrolin ang mga hidwaan, at aktibong pasulungin ang talastasan hinggil sa Code of Conduct in the SCS (COC) para magkakasamang pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito.

 

Dagdag pa ng pahayag, patuloy na kinakaharap ng buong mundo ang pandemiya ng COVID-19. Ang pagkakaisa at kooperasyon ay ang pinakakailangan, sa halip ng komprontasyon. Iginagalang at kinikilala ng Tsina ang nagsasariling patakarang panlabas ng Pilipinas. Ang kinabukasan ng Pilipinas ay nakaugat lamang sa pambansang kaunlaran, sa gitna ng matatag at palakaibigang kapaligiran at mapayapa at masaganang rehiyong Asyano, diin ng pahayag.

 

Kaugnay ng isyu ng Taiwan at Hong Kong, ayon sa opisyal na pahayag ng Embahadang Tsino  ang Taiwan at Hong Kong ay di-maihihiwalay na bahagi ng teritoryo ng Tsina, at ito ay katotohanan na kinikilala ng komunidad ng daigdig. Hinimok ng panig Tsino ang Amerika na itigil ang pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina na gaya ng isyu ng Taiwan at Hong Kong. Sa taong ito, ang Pilipinas at iba pang 70 bansa ay nagsipahayag ng kani-kanilang suporta sa Tsina hinggil dito sa UN Human Rights Council, UN General Assembly at iba pang mga okasyon. Ipinakikita nito ang nagkakaisang boses at tamang  posisyon ng komunidad ng daigdig, dagdag pa ng pahayag.

 

Salin: Ernest

Pulido: Mac/Jade

 

 

 

 

Please select the login method