Pinasinayaan kahapon, Biyernes, ika-27 ng Nobyembre 2020, sa Vientiane, Laos, ang isang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) nucleic acid test laboratory na naitayo sa tulong ng Tsina.
Ang lalawigang Yunnan sa hanggahang Sino-Lao ang namahala sa mga gawain ng pagtatayo ng naturang laboratoryo. Ipinadala rin ng lalawigang ito ang isang medical team sa Vientiane, para ilagay sa ayos ang mga kagamitan, at sanayin ang mga lokal na tauhang medikal.
Sa seremonya ng pasinaya, ipinahayag ni Xiang Fangqiang, counselor ng Embahadang Tsino sa Laos, na batay sa diwa ng komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan, patuloy na pasusulungin ng Tsina, kasama ng Laos, ang kooperasyon sa pagpigil at pagkontrol sa pandemiya, pagpapanumbalik ng mga trabaho at produksyon, at pangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayan ng kapwa panig.
Pinasalamatan naman ni Khamphone Phouthavong, Pangalawang Ministro ng Kalusugan ng Laos, ang panig Tsino sa pagbibigay-tulong sa pagtatayo ng nucleic acid test laboratory at pagsasanay ng mga tauhang medical, para palakasin ang kakayahan ng Laos sa paglaban sa COVID-19.
Salin: Liu Kai