Ngayong araw, Nobyembre 30, 2020 ay ang ika-157 kaarawan ng Supremo; Andres Bonifacio, ang magiting na Ama ng Himagsikang Pilipino at rebolusyonaryong lider na nagpalagablab sa apoy ng pag-ibig sa bayan ng mga Pilipino.
Isa siya sa mga dahilan kung bakit tinatamasa natin ngayon ang kalayaan, at ang kanyang kontribusyon sa pagiging ganap na bansa ng Pilipinas ay hindi kailanman maaaring ikaila.
Mula sa elementarya, hanggang sa kolehiyo, pinag-aaralan, binabasa isinasadula, at isinasa-ulo natin ang tungkol sa kasaysayan at buhay ni Andres, bilang mandirigma at lider.
Bukod diyan, napakarami ring mga aklat, babasahin, pelikula, at mga programa sa radyo at telebisyon, ang nailabas tungkol sa kanya.
Pero, sa kabila ng lahat ng ito, mayroon pa ring mga bagay-bagay at impormasyon tungkol kay Andres ang hindi masyadong napag-uukulan ng sapat na pansin at kung minsan ay nakakaligtaan.
Kaya naman, bilang pagpupugay sa kanyang buhay at sakripisyo para sa kasarinlan ng Pilipinas, nais kong ihandog ang isang artikulong magbibigay ng bagong bihis sa imahe ni Andres Bonifacio sa isipan nating mga Pilipino.
Kanyang pagkabata
Si Andres Bonifacio ay ipinanganak noong Nobyembre 30, 1863 sa Tondo, lunsod ng Maynila.
Ang kanyang ama ay si Santiago Bonifacio (isang sastre) at ang kanyang ina ay si Catalina de Castro, isang mestisang Espanyol.
Siya ang panganay sa anim na magkakapatid na sina: Ciriaco, Procopio, Troadio, Espiridiona at Maxima.
Taliwas sa ilang pag-aaral kung saan inilarawan siya bilang ipinanganak na mahirap, hindi ipinanganak na mahirap si Andres at ang kanyang pamilya ay nabibilang sa kalagitnaang uri o middle class.
Mabuti ang naging pagkabata ni Andres, may sarili siyang tagapagturo at nakatanggap ng maayos na edukasyon sa elementarya.
Pero, tulad ng kuwento sa telenobela, hindi naging mabait sa kanya ang tadhana, dahil maagang pumanaw ang kanyang mga magulang noong siya ay nasa 14 anyos pa lamang.
Dahil dito, napilitan siyang huminto sa pag-aaral upang itaguyod ang buong pamilya, at ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga baston na gawa sa kawayan at rattan, at mga pamaypay na gawa sa papel.
Sa kabila ng kanyang kakulangan sa pormal na edukasyon, tinuruan niya ang sarili na magbasa at magsulat sa wikang Espanyol at Tagalog, kaya naman nakapamasukan siya bilang klerk-mensahero sa kompanyang Ingles na Fleming & Company, at kinalaunan naging bodegero rin sa kompanyang Aleman na Fressel & Company.
Si Andres at ang sining
Puspos man sa pagtatrabaho para sa pamilya, hindi isinantabi ni Andres Bonifacio ang kanyang pagkahilig sa sining at panitikan.
Sinasabing interesado si Andres sa mga klasikong kanluranin at mahilig magbasa ng mga gawa nina Victor Hugo, Jose Rizal, at Eugene Sue.
Siya rin ay may malalim na interes sa pagbabasa ng mga aklat hinggil sa Rebolusyong Pranses at buhay ng mga presidente ng Estados Unidos.
Maliban diyan, nagpinta rin ng mga poster si Andres, at gumanap sa mga palabas sa entablado.
Noong 1887, kasama sina Aurelio Tolentino, Emilio Jacinto, Macario Sakay, Ciriaco Bonifacio at Procopio Bonifacio, itinatag ni Andres ang El Teatro Porvenir o Ang Teatro ng Hinaharap, kung saan, isinulong niya ang paghahangad ng repormang panlipunan sa pamamagitan ng Komedya, Moro-moro at Senakulo.
Si Andres ay isa ring mahusay na makata at manunulat.
Hinggil dito, isinalin at inareglo niya sa porma ng tula ang sanaysay ni Dr. Jose Rizal na El Amor Patrio o Pagmamahal sa Bayan.
Bukod pa riyan, siya rin ang unang nagsalin sa wikang Tagalog ng tulang Mi Ultimo Adios o Aking Huling Paalam ni Rizal.
Samantala, ang sanayasay niyang “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” ay isang maikling obra maestra na pumukaw sa damdaming makabayan ng mga Pilipino.
Hindi man, pinagpala si Andres na makapag-aral sa mga prestihiyosong unibersidad sa Europa na tulad nina Rizal, Luna, Lopez-Jaena at iba pa, ang kanyang hilig sa pag-aaral ng sining, literatura, wika, at panitikan ay kanyang pinagyaman kasabay ng armadong pakikibaka para sa kalayaan.
Mga asawa at anak ni Andres
Dalawa ang naging kabiyak ni Andres Bonifacio.
Ang una ay si Monica Palomar, na pumanaw dahil sa sakit na ketong.
Muling nagpakasal si Andres noong 1893 kay Gregoria de Jesus, o mas kilala sa tawag na “Oryang.”
Nagkaroon sila ng isang anak na lalaki, ngunit dahil nasa kasagsagan ng digmaan at kakulangan sa medisina, ito ay namatay sa sakit na bulutong.
Sa ngayon, walang anumang dokumento ang makapagsasabi na nagkaroon ng ibang anak si Andres.
Ikatlong supremo at unang rebolusyonaryong pangulo?
Ang Supremo ay nagmula sa salitang Espanyol na nangangahulugang kataas-taasang pinuno.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, madalas ginagamit ang titulong Supremo bilang pantukoy kay Andres Bonifacio, ang magiting na pinuno’t isa sa mga tagapagtatag ng Kataas-taasang Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) at Ama ng Himagsikang Pilipino.
Ang totoo, mayroong mga naunang naging Supremo maliban kay Andres Bonifacio, at sila ay sina:
· Deodato Arellano (1892)
· at Román Basa (1893-1895)
Noong 1895, nahalal si Andres Bonifacio bilang ikatlong Supremo ng Katipunan.
Noong Agosto ng 1896, ilang araw bago maganap ang Sigaw sa Balintawak, muling nagpulong ang kataas-taasang konseho ng Katipunan at inire-organisa ito bilang isang gabinete ng gobyerno.
Si Andres Bonifacio ay muling nahalal bilang Supremo; Emilio Jacinto bilang Kalihim ng Estado; Teodoro Plata bilang Kalihim ng Digmaan; Briccio Pantas bilang Kalihim ng Katarungan; Aguedo del Rosario bilang Kalihim ng Interyor; at Enrique Pacheco bilang Kalihim ng Pinansiya.
Kaugnay nito, ibig ng ilang mananaysay na tulad nina Milagros Guerrero at Ramon Villegas na kilalanin si Andres Bonifacio bilang unang pangulo ng rebolusyonaryong pamahalaan ng Pilipinas dahil naglingkod sya bilang Supremo ng Katipunan noong 1896-1897.
Ayon sa mga dokumento ng Katipunan, si Bonifacio ay Supremo, o Presidente ng Haring Bayang Katagalugan.
Ang “Haring Bayang Katagalugan” ay tumutukoy sa isang malaya at may sariling kapangyarihang estado, na hindi nalalayo sa katangian ng isang “Republika.”
Kaya naman, kung teknikalidad ang pag-u-usapan, si Andres Bonifacio at hindi si Emilio Aguinaldo ang unang pangulo ng Pilipinas.
Ngunit, ang tanong, tatanggapin ba itong lipunang historikal at mga mamamayang Pilipino?
Panahon lamang ang makapagsasabi.
Seksyon ng Kababaihan ng Katipunan
Hindi lamang mga kalalakihan ang umanib sa Katipunan at nakipagdigma para sa kasarinlan ng Pilipinas: ang matatapang kababaihan din ay gumanap ng napakahalagang papel sa laban para sa kalayaan.
Matapos magsuspetsa ang mga kababaihan sa biglaang paglubog at paglitaw ng kanilang mga asawa at pagkabawas ng kita ng kanilang mga pamilya, napagdesisyonan ng kataas-taasang konseho ng Katipunan na itatag ang Seksyon ng Kababaihan.
Ang mga miyembro nito ay mga asawa at anak na babae ng mga Katipunero.
Misyon ng seksyong ito na panatilihing lihim at hindi magagambala ang mga aktibidad ng kanilang mga asawa.
Idinaos nila ang mga pagtitipon at iba pang kasiyahan habang lihim namang nagpupulong ang kanilang mga kabiyak.
Ilan sa mga kilalang miyembro ng seksyon ay sina: Josefa Rizal, kapatid ni Dr. Jose Rizal; at Gregoria de Jesus o Oryang, asawa ni Andres Bonifacio at Lakambini ng Katipunan.
Si Oryang ang siya ring naatasan bilang tagapag-ingat ng mga dokumento, kahit ipinagdadalang-tao niya noon ang anak nila ni Andres.
Ang Sigaw sa Balintawak
Matapos matuklasan ng mga Espanyol ang Katipunan noong Agosto 1896, ipinatawag ni Andres Bonifacio ang isang pangkalahatang pulong sa lugar na kung tawagin ay Pugad Lawin, sa Balintawak, Caloocan.
Armado lamang ng mga bolo, sibat, paltik, at ilang mga lumang Remington na riple, dumating ang mga nasa 1,000 Katipunero mula sa malalayong bahagi ng Luzon noong Agosto 23, 1896.
Sa diskusyon, sinabi ni Teodoro Plata na hindi sapat ang mga armas para sa digmaan, na sinang-ayunan naman nina Pio Valenzuela at Briccio Pantas.
Nahati ang konseho at nagkaroon ng mainitang pagtatalo, at sa gitna nito, iniwan ni Andres Bonifacio ang pulong at hinarap ang daan-daang Katipunerong naghihintay ng desisyon, at sinabing “Nadiskubre na ng mga Espanyol ang ating organisasyon. Kung babalik tayo sa ating mga tahanan, siguradong aarestuhin nila tayo.”
Kaya, tinanong ni Bonifacio kung ano ang desisyon ng mga Katipunero - ang kanilang sigaw ay “Rebolusyon!!!”
Sunod, sinabi ni Bonifacio na ilabas ang cedula ng lahat at punitin bilang tanda ng bukas na pagsuway at pakikipagdigma sa Espanya.
Nang matapos punitin, itinapon ng mga Katipunero ang mga gutay-gutay na cedula sa hangin kasabay ng dumadagundong na sigaw na “Mabuhay ang Kalayaan ng Pilipinas!!!”
Ang kabanatang ito ng rebolusyon ay tinatawag ngayong “Ang Sigaw sa Balintawak” at kilala rin sa tawag na “Ang Sigaw ng Pugad Lawin.”
Digmaan sa Pinaglabanan
Noong Agosto 30, 1896, pinamunuan ni Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang pagsalakay sa El Polvorin sa San Juan na siyang imbakan ng pulbura at istasyon ng tubig.
Bagamat ang lugar na ito ay binabantayan ng mga armado at bihasang kawal na Espanyol, nagawa itong makuha ng mga Katipunero.
Higit sa 150 mga Katipunero ang nasawi sa laban, ngunit ang balita ng kanilang tagumpay ay umalingawngaw sa buong bansa.
Ang bayan ng San Juan del Monte ay naging isang pambansang simbolo ng pagkakaisa, kalayaan at isang banal na lugar ng lakas ng loob ng mga Pilipino.
Ulat: Rhio
Edit: Jade
Photo credit: Malacanang
Source:
Augusto de Viana, The Philippines: A story of a nation, Rex Bookstore, Manila, 2011
Luis H. Francia, a History of the Philippines: From Indios Bravos to Filipinos, The Overlook Press, Peter Meyer Publishers, Inc., New York, 2010
https://www.loc.gov/rr/hispanic/1898/bonifacio.html#:~:text=1863%2D1897,his%20five%20brothers%20and%20sisters.
Niklas Reese, Rainer Werning (Eds,) Handbook Philippines, Philippinenburo im Asienhous, English ed.: August 2013
https://thedeadlydance.wordpress.com/2013/06/11/andres-bonifacio-an-arnis-hero/
https://philippineculturaleducation.com.ph/supremo/
http://malacanang.gov.ph/2942-imprinting-andres-bonifacio-the-iconization-from-portrait-to-peso/
https://www.panitikan.com.ph/talambuhay-ni-andres-bonifacio
http://malacanang.gov.ph/7054-the-andres-bonifacio-monument/