27 bansang kasapi ng Unyong Europeo (EU) ang inaasahang tatanggap ng COVID-19 vaccine bago magtapos ang taong ito ayon sa pahayag Disyembre 1, 2020, ni Ursula Von Der Leyen, Pangulo ng Komisyon ng Unyong Europeo.
Sinabi pa niya na bago ang malawakang pagbabakuna, dapat sundin ng lahat ng tao ang mga regulasyon sa pagkontrol ng COVID-19.
Nang araw rin iyon, dalawang kompanya ng gamot mula sa Amerika at Alemanya ang nagpaaproba sa European Medicines Agency para sa pagbebenta ng bakuna.
Hanggang sa kasalukuyan, 6 na kasunduan ng pagbili ng bakuna ang nilagdaan na ng EU at mga pharmaceutical companies ng Amerika, Alemanya at ibang bansa. Ayon sa estadistika mula sa EU, ang bilang ng bakuna na balak bilhin ng EU ay umabot sa 1.2 bilyon, doble ng bilang ng populasyon ng 27 bansang kasapi nito.
Ayon sa plano, igagarantiya ng EU ang mabilis na pagbabahagi ng mga bakuna sa pinaka-nangangailangang grupo. Makukuha ng lahat ng bansang kasapi ng EU ang bakuna sa pare-parehong kondisyon at oras. Ang tiyak na bilang nito ay depende sa populasyon ng iba’t ibang bansa.
Salin:Sarah