Inilabas nitong Lunes, Disyembre 7, 2020 ng World Intellectual Property Organisation (WIPO) ang taunang ulat na nagpapakitang noong 2019, umabot sa 1.4 milyon ang kabuuang bilang ng patent application na tinanggap ng Pambansang Kawanihan ng Karapatan sa Pagmamay-ari sa Likhang-isip (IPR) ng Tsina, at patuloy itong nangunguna sa buong mundo.
Tinukoy rin ng ulat na kumpara noong 2009, malinaw ang pagtaas ng bilang ng mga patent application sa Asya, at ito ay nakinabang, pangunahin na, sa pagpapasulong ng paglago ng kabuhayang Tsino nitong nakalipas na mahabang panahon.
Kaugnay nito, sinabi nitong Martes ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang ulat ng WIPO ay muling nagpatunay ng kapansin-pansing bungang natamo ng Tsina sa aspekto ng pangangalaga sa IPR.
Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng iba’t ibang bansa, na patuloy na palakasin ang inobasyong pansiyensiya’t panteknolohiya at kooperasyon, aktibong sumali sa pandaigdigang pangangasiwa sa IPR, at gawin ang mas maraming ambag para sa balanse, inklusibo at sustenableng pag-unlad ng IPR ng buong mundo.
Salin: Vera