Bilang paglalagom sa matatapos na taong 2020, pinili ng China Media Group (CMG) ang 10 balitang pandaigdig na may pinakamalaking impluwensiya at kabuluhan. Dahil sa COVID-19 pandemic, ang taong ito ay kinakitaan ng ligalig, kadiliman, at pagpapalakas-loob, kasabay ng pagkakaisa ng daigdig at mga alitang panrehiyon.
1. Pagkakasundo ng daigdig sa paggalang sa siyensiya at pagkakaisa kontra COVID-19 pandemic
Ang COVID-19 pandemic ay naging pinakamalubhang salot ng daigdig nitong siglong nakalipas. Hanggang Disyembre 28, mahigit 80 milyong kumpirmadong kaso at mahigit 1.7 milyon ang bilang ng mga namatay dahil sa pandemiya.
Bilang tugon, binuo ng komunidad ng daigdig ang unipikado at siyentipikong prontera para pigilan ang pagkalat ng virus.
Kaugnay nito, ipinangako ng Tsina na ang mga bakunang idinebelop ng bansa ay magiging global public good.
Isinasabalikat din ng bansa ang responsibilidad bilang pinakamalaking tagapagsuplay ng mga materyales kontra pandemiya.
2. Panawagan sa multilateralismo at pagpapalakas ng pandaigdigang kooperasyon sa ika-75 sesyon ng UNGA
Ginanap Setyembre 21, 2020, ang video conference ng ika-75 sesyon ng United Nations General Assembly (UNGA) .
Volkan Bozkir, Presidente ng ika-75 sesyon ng UNGA habang nangungulo sa unang pulong na plenaryo
Nanawagan ang mga kalahok na bansa sa komunidad ng daigdig na patuloy na igiit ang multilateralismo at pagpapalakas ng pandaigdigang kooperasyon.
Sa kanyang talumpati, inulit ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na mananatili ang bansa bilang tagapagpaganap o practitioner ng multilateralismo.
Kasabay nito, patuloy aniyang aktibong makikilahok ang Tsina sa reporma at konstruksyon ng sistema ng pangangasiwa sa daigdig at pasusulungin ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan para sa sangkatauhan.
3. Pandemiya, matinding apektado ang kabuhayan ng daigdig: Tsina, nag-iisang ekonomiyang may positibong paglaki
Dahil sa pandemiya ng COVID-19, ang kabuhayan ng daigdig ay nakakaranas ng pinakatinding krisis sapul noong World War II.
Ang Tsina ang nag-iisang ekonomiya sa daigdig na may positibong paglaki sa taong 2020.
Ayon sa pinakahuling economic outlook na inilabas ng International Monetary Fund (IMF) noong Oktubre 13, 2020, tinatayang tataas ng 1.9% ang GDP ng Tsina sa taong ito.
Samantala, ang kabuhayan ng daigdig ay bababa ng 4.4% sa taong 2020.
Lujiazui area sa Shanghai, China
4. RCEP, pinakamalaking FTA ng daigdig, nilagdaan ng 15 bansa
Nilagdaan, Nobyembre 15, 2020, ng sampung bansang ASEAN, Tsina, Australia, Japan, Republic of Korea, at New Zealand ang Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement (RCEP).
Ang RCEP, pinakamalaking Free Trade Area (FTA) ng daigdig, ay sumasaklaw sa 1/3 ng populasyon at 30% ng GDP ng daigdig.
Ang pagkakalagda ng RCEP ay itinturing bilang tagumpay ng multilateralismo at malayang kalakalan.
Makabuluhan din ito para sa pagpapasulong ng pag-ahon ng kabuhayan ng rehiyon at daigdig, sa gitna ng pandemiya.
5 Matinding presyur na ipinapataw ng Amerika sa Iran at lumalang walang-katiyakan sa Gitnang Silangan
Enero 3, 2020, pinaslang ng militar ng Amerika ang Iranian revolutionary icon na si Major General Qassem Soleimani.
Ang 2020 ay ang ika-5 anibersaryo ng pagkakalagda ng Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA) o Iran nuclear agreement na nilagdaan ng Iran, kasama ng limang pirmihang bansa ng United Nations (UN), Alemanya at Unyong Europeo (EU).
Pero, tumalikod sa nasabing kasunduan ang Amerika noong 2018.
Kasabay nito, patuloy ang kaligaligan sa Syria at Libya.
6. Climate Ambition Summit 2020, itinaguyod ng UN at Britanya; target ng peak carbon dioxide emissions sa 2030, inilabas ng Tsina
Bilang paggunita sa ika-5 anibersaryo ng Paris Agreement sa pagbabago ng klima, magkasamang tinangkilik ng United Nations (UN) at Britanya ang Climate Ambition Summit 2020, noong Disyembre 12, 2020, sa pamamagitan ng video conference.
Ang Paris Agreement ay inilalarawan bilang "makasaysayang tagumpay" ng pandaigdigang tugon sa pagbabago ng klima.
Bilang isang responsableng tagapag-ambag at tagapagtupad ng Paris Agreement, noong Setyembre 2020, ipinatalastas ng Tsina na magsisikap ito upang maabot ang peak carbon dioxide emissions ng bansa sa 2030 at maisakatuparan ang carbon neutrality sa 2060.
7. FTA ng Aprika, ilulunsad sa Enero 2021; integrasyong Aprikano, isusulong
Nakatakdang ilunsad ang African Continental Free Trade Area (AfCFTA) sa Enero 1, 2021.
Pasusulungin nito ang kalakalan at industriyalisasyon ng Aprika, at makakatulong din sa intergrasyon ng kontinente sa kabuhayang padaigdig.
Umaasa ang African Union na sa pamamagitan ng nasabing malayang sonang pangkalakalan, sa taong 2035, 30 milyong Aprikano ang makaka-ahon mula sa ganap na kahirapan o extreme poverty at 70 milyong Aprikano ang makakahulagpos sa katamtamang karalitaan o moderate poverty.
8. Pagpatay kay George Floyd, nauwi sa malawakang protesta; Amerika, umurong mula sa iba’t ibang organisasyong multilateral
Pinatay ng isang pulis ng Amerika ang Aprikano-Amerikano na si George Floyd noong Mayo 25.
Dahil dito, naganap ang protesta at kaguluhan sa iba’t ibang lugar ng Amerika.
Kumalata ang kilusang Black Lives Matter mula sa Amerika patungo sa iba pang mga bahagi ng mundo bilang protesta sa rasismo.
Kasabay nito, tumalikod ang Amerika sa World Health Organization, Open Skies Treaty at Paris Agreement ayon sa pagkakasunod.
Dahil dito, lalong ibinukod ng Amerika ang sarili sa komunidad ng daigdig.
9. “Taon ng Mars,” bagong kabanata ng paggagalugad ng sangkatauhan sa kalawakan
Ang 2020 ay tinaguriang“Taon ng Mars.”
Noong Hulyo 23, 2020, inilunsad ng Tsina ang Tianwen-1 Mars probe.
Tianwen-1 Mars probe
Kasabay nito, inilunsad nang buwan ding iyon ng United Arab Emirates (UAE) ang kauna-unahang Mars probe ng bansa na tinaguriang Hope.
Samantala, inilunsad ng Amerika ang Perseverance rover patungong Mars.
Bumalik sa Mundo, alas-1:59 AM, Disyembre 17, 2020 ang Chang'e-5 lunar probe ng Tsina.
Sa kauna-unahang pagkakataong sa loob ng apatnapu’t apat (44) na taong nakalipas, dala nito pabalik ang dalawang kilong sample mula sa Buwan.
Dahil dito, ang Tsina ay naging ikatlong bansa sa daigdig na nagdala ng mga sample mula sa Buwan kasunod ng dating Soviet Union at Estados Unidos.
10. Ostilidad sa pagitan ng Armenia at Azerbaijan, patuloy
Noong Setyembre 27, naganap ang bagong round ng alitan sa pagitan ng Armenia at Azerbaijan sa rehiyong Nagorno-Karabakh.
Noong Nobyembre 9, nilagdaan ng mga may kinalamang panig ang kasunduan ng ganap na tigil-putukan sa naturang lugar na nagsimula Nobyembre 10.
Ayon sa nabanggit na kasunduan, sinimulang isagawa ng Rusya ang misyong pamayapa.
Kasabay nito, pinirmahan ng Rusya at Turkey ang kasunduan hinggil sa pagtatag ng sentro ng magkasamang pagmomonitor sa naturang tigil-putukan.
Gayunpaman, nananatiling ostilo ang Armenia at Azerbaijan sa isat-isa.
Bunsod ng alitan sa rehiyong Nagorno-Karabakh, mahigit 4,000 katao na kinabibilangan ng mga sibilyan ang namatay at libu-libong tao ang napilitang lumisan mula sa lupang-tinubuan.
Salin: Jade
Pulido: Rhio