Katangi-tangi ang taong 2020 at hindi ito malilimutan dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic. Sa bisperas ng bagong taon, binalik-tanaw ng China Media Group (CMG) ang mga pangyayaring may pinakamahalagang kabuluhan sa taong 2020.
Ngayong taon buong lakas na tinugunan ng Tsina ang pandemiya at nalipol ang ganap na kahirapan o absolute poverty. Kasabay nito, ibayo pang nagbubukas at magbubukas sa labas ang Tsina habang ipinagpapatuloy ang kaunlarang pangkabuhayan.
Narito po ang Top 10 China news stories para sa taong 2020 na pinili ng CMG.
1. Pagkakaisa para malampasan ang COVID-19
Nararanasan pa rin ng buong mundo ang dagok ng pandemiya ng COVID-19. Hanggang Disyembre 28, mahigit 80 milyong kumpirmadong kaso at mahigit 1.7 milyon ang bilang ng mga namatay dahil sa pandemiya.
Makaraang matuklasan ang virus sa Wuhan, lunsod sa dakong gitna ng Tsina, pinataw ng bansa ang 76 na araw na lockdown sa nasabing siyudad mula Enero 23 hanggang Abril 8. Samantala, namobilisa ng Tsina ang yaman at tauhan mula sa buong bansa para masugpo ang pagkalat ng virus.
Larawan ng iba’t ibang taong nagtrabaho sa unang prente laban sa COVID-19 sa Wuhan City, Hubei Province.
Sa kasalukuyan, naitatag na ng Tsina ang regular na sistema ng pagpigil at pagkongtrol ng pandemiya.
2. Kinabukasan batay sa 14th Five-Year Plan at Blueprint for 2035
Noong Oktubre 29, 2020, pinagtibay ng Tsina ang 14th Five-Year Plan for National Social and Economic Development (2021-2025) at Long-Range Objectives for 2035.
Sa kauna-unahang pagkakataon, itinakda ng Tsina ang pangmatagalang layunin para maisakatuparan ng bansa ang modernisasyon sa 2035.
Ang mga mamamayan habang namimili ng gulay sa isang palengke sa Nantong City, Jiangsu Province, Disyembre 26, 2020.
3. Paglipol ng ganap na karalitaan sa katapusan ng 2020
Makaraang ideklara ng Guizhou Province sa dakong timog-kanluran ng Tsina, na 66 na mahihirap na counties ang nakahulagpos sa ganap na karalitaan o absolute poverty, noong Nobyembre 23, 2020, naisakatuparan ng Tsina ang target ng pag-ahon ng lahat ng 832 mahihirap na counties mula sa karalitaan.
Mga babaeng namimitas ng mga chrysanthemums sa Wangmo County, Guizhou Province, Oktubre 20, 2018.
Sa susunod na limang taon, ayon sa bagong labas na pambansang 14th Five-Year Plan (2021-2025), ipapatupad ng bansa ang estratehiya ng pagpapasigla ng kanayunan para mapanatili ang mga natamong bunga ng paglipol ng karalitaan.
4. Nag-iisang ekonomiyang may positibong paglaki sa daigdig
Ang Tsina ay nananatiling nag-iisang ekonomiya sa daigdig na may positibong paglaki sa taong 2020 at tinatayang tataas ng 1.9% ang GDP nito sa taong ito.
Ito ang pagtaya ayon sa pinakahuling economic outlook na inilabas ng International Monetary Fund (IMF) noong Oktubre 13, 2020.
Mga containers na nakasalansan sa ika-4 na yugto ng Shanghai Yangshan Deep Water Port sa Shanghai, Disyembre 8, 2020.
5. Pagbubukas sa labas sa mas mataas na antas
Ang 2020 ay ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng Shenzhen Special Economic Zone (SEZ) at ika-30 anibersaryo ng Shanghai Pudong New Area.
Dahil sa pagbubukas sa labas, ang Shenzhen SEZ, dating nayong pangisda ay nagiging international metropolitan at naitala bilang pang-limang ng mga siyudad na Asyano pagdating sa economic output. Samantala, ang Shanghai Pudong New Area ay nagsisilbi bilang napakaaktibong financial trading area ng daigdig.
Palabas na drone bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng Shenzhen SEZ, sa Shenzhen City, Guangdong Province, Agosto 26, 2020
Pumalo sa $72.62 billion ang halaga ng mga tentative deals ng Ika-3 China International Import Expo (CIIE) na ginanap noong Nobyembre sa Shanghai, Tsina. Mas mataas ito ng 2.1% kumpara sa CIIE noong 2019.
Kasabay nito, nilagdaan ng 15 miyembro ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) noong Nobyembre 15, 2020. Ang RCEP ay sumasaklaw sa 1/3 ng populasyon ng daigdig at 30% ng GDP ng daigdig.
6. Unang Civil Code
Pinagtibay ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina ang Civil Code ng bansa noong Mayo 28, 2020.
Ito ang kauna-unahang Civil Code ng bansa sapul nang itatag ang Republika ng Bayan ng Tsina noong Oktubre 1, 1949.
Isang lalaki habang bumabasa ng Civil Code sa isang bookstore sa Beijing, Hunyo 9, 2020
Nakatakdang magkabisa ang Civil Code sa Enero 1, 2021.
7. Pagtugon sa pinakamatinding baha sapul noong 1998
Mahigit 74 na milyong mamamayan sa 28 probinsya ng Tsina ang sinalanta ng baha sa taong ito.
Ito ang pinakagrabeng baha sapul noong 1998.
Baha sa Suining, siyudad sa Sichuan Province, Agosto 12, 2020
Bilang tugon, nanawagan ang pamahalaang Tsino na pinangungunahan ni Pangulong Xi Jinping sa pagkakaisa at pagsisikap sa gawaing panaklolo sa mga binahang lugar para matiyak at unahin ang kaligtasan ng mga mamamayan.
8. Ika-70 anibersaryo ng pagsali ng Tsina sa War to Resist U.S. Aggression and Aid Korea
Bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng pakikidigma ng Chinese People's Volunteers (CPV) army laban sa pananakop ng Amerika sa Hilagang Korea, isang pulong ang idinaos noong Oktubre 23, sa Beijing.
Isang beteranong CPV habang nagpapakita ng bag na naglalaman ng mga kendi sa kanyang paglahok sa War to Resist U.S. Aggression and Aid Korea. Larawang kuha noong Agosto 21, 2020.
Noong Hunyo 25, 1950, sumiklab ang Korean War sa pagitan ng Hilagang Korea (DPRK) at Timog Korea (ROK). Sa loob ng dalawang araw, nagpadala ang Amerika ng mga sundalo at sinalakay ang Hilagang Korea.
Sa kabila ng kahilingan ng Tsina para sa tigil-putukan, lumusob ang tropang Amerikano sa 38th Parallel at nagtungo sa hanggahang Sino-Koreano, noong Oktubre 7, 1950.
Upang suportahan ang pangkagipitang kahilingan mula kay Kim Il Sung, lider ng DPRK, at ipagtanggol ang sariling bansa, binuo ng Tsina ang CPV. Noong Oktubre 19, ang CPV ay tumawid ng Yalu River sa hanggahang Sino-Koreano at nakipaglaban kahanay ng hukbong DPRK kontra sa mananakop na Amerikano.
9. Misyon ng paggagalugad sa Mars at iba pang mga breakthrough na pansiyensiya’t panteknolohiya
Kahanga-hanga ang natamong bunga ng Tsina sa larangang pansiyensiya’t panteknolohiya. Kabilang dito ang manned space flight, paggagalugad sa Buwan, supercomputer, at quantum communication.
Noong Mayo 5, inilunsad ng Tsina ang panibagong heavy-lift rocket na Long March 5B.
Noong Hulyo 23, napaimbulog ng Tsina ang Mars probe na Tianwen-1.
Noong Disyembre 17, nakabalik sa Mundo ang Chang'e-5 probe mula sa Buwan na may dalang 1,731 gramong lunar samples.
Simulated illustration ng paghiwalay ng orbiter-returner mula sa ascender ng Chang'e-5 probe sa orbit ng Buwan,Disyembre 6, 2020.
10. National Security Law for Hong Kong
Pinagtibay ng Tsina ang National Security Law para sa Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR), noong Hunyo 30.
Mababasa sa nasabing batas na binubuo ng 66 na tadhana at anim na kabanata ang hinggil sa mga tungkulin at ahensiya ng pamahalaan ng HKSAR para matiyak ang pambansang seguridad.
Tanawin ng isang kalye sa HKSAR, Oktubre 8, 2020.
Salin: Jade
Pulido: Mac
Larawan: CFP/China National Space Administration