Pangulong Duterte, nanawagan para sa pagkakaisa, integridad at patriotismo ng Sambayanang Pilipino
Sa kanyang mensahe sa paggunita ngayong araw, Disyembre 30, 2020 ng Ika-124 na Anibersaryo ng Pagkamartir ni Dr. Jose Rizal, nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Sambayanang Pilipino na patuloy na isulong ang pagkakaisa, integridad at patriotismo tungo sa makabuluhang pagbabago ng lipunan.
Aniya, "Kasabay ng paggunita natin sa mga sakripisyo ni Rizal, mahigit isandaang taon na ang nakakaraan, patuloy tayong magpupunyagi upang isulong ang pagkakaisa, integridad at patriotismo ng ating mga mamamayan tungo sa pagkakamit ng totohanan at makabuluhang pagbabago sa ating lipunan.”
Sinabi ni Duterte na ang giting at dignidad na ipinamalas ni Rizal ay "naging sanhi upang tumayo ang ating mga ninuno laban sa kalupitan, at ipundar ang isang lipunang nakatatag sa pundasyon ng mga karunungang natutunan mula sa kasaysayan.”
"Ako ay nakikiisa sa Sambayanang Pilipino sa paggunita sa Ika-124 na Anibersaryo ng Pagkamartir ni Dr. Jose Rizal. Ang mga pagsubok na patuloy nating kinakaharap sa taong ito ay nagbigay-daan sa bagong uri ng mga bayani, na nagpakita ng kahanga-hangang tapang sa harap ng walang katulad na hamon,” saad pa ng pangulo.
Rizal, diyamante ng silangan at kanlurang sibilisasyon
Dangal ng Lahing Malayo, Dakilang Malayo, Unang Pilipino, Pambansang Bayani: ilan lamang ang mga ito sa napakaraming titulong ibinabansag kay Jose Rizal, bilang pagkilala sa kanyang legasiyang hanggang ngayon ay may malalim pa ring impluwensiya sa sining, literatura, siyensiya, politika at pagkatao ng mga Pilipino.
Isang lingguistang nakakapagsalita ng 22 wika, ekspertong Arnisador/Eskrimador, nobelista, makata, pintor, eskultor, arkitekto, doktor, at marami pang iba, si Jose Rizal ay isang katangi-tangi at kahanga-hangang taong nagpunyagi para sa kapakanan, karapatan at pagkakaisa; hindi lamang ng mga Pilipino, kundi pati na rin ng buong lahing Malayo.
Sa espesyal na porum na ginanap sa Kuala Lumpur para sa ika-100 anibersaryo ng kanyang pagkamartir noong 1995, ipinahayag ni dating Pangalawang Punong Ministro Anwar Ibrahim ng Malaysia, na si Rizal ay hindi lamang pambansang bayani ng Pilipinas, hindi lamang Unang Malayo; kundi, unang Asyanong nagtatag ng pamantayan sa pakikibaka tungo sa pagpapanumbalik ng dignidad at respeto sa sarili ng mga taong sumailalim sa pananakop sa buong mundo.
Nakapag-aral man sa mga prestihiyosong pamantasan sa Espanya at iba pang bansang Europeo, hindi kailanman nakalimutan ni Rizal ang kanyang ugat o lahing pinagmulan, at patuloy na pinagyaman ang sariling kaalaman at kakayahan upang maging kasangkapan tungo sa kasarinlan, pagkakapantay-pantay, at kasaganaan ng lahat ng Asyano.
Siya ay produkto ng pag-iisang dibdib ng silangan at kanlurang sibilisasyon; at sa kanyang pagkatao, nakadambana ang mga ideya at paniniwala ng dalawang sibilisasyong ito.
Lunsod Jinjiang; lupang tinubuan ng angkan ni Jose Rizal
Si Domingo Lamco (Cua Yilam sa wikang Hokkien, o Ke Yinan sa wikang Mandarin) ay ang lolo sa talampakan sa pamilya ng ama, o paternal great great grandfather ni Jose Rizal.
Sa loob ng 14 na henerasyon, mapayapang namuhay ang angkang Ke sa Barangay Shangguo, lunsod Jinjiang, lalawigang Fujian, sa gawing timog-silangan ng Tsina.
Ang Shangguo ay isang maliit na komunidad sa lunsod Jinjiang na nakaharap sa dagat, samantalang sa likod naman nito ay matatagpuan ang maririkit na kabundukan.
Pinaniniwalaang pangingisda o pandaragat ang pinagmulan ng ikinabubuhay ng pamilya Ke.
Buhay at pamilya ni Ke Yi-nan sa Pilipinas
Dahil sa lumalalang tensyong politikal sa Tsina noong huling dako ng 1600s, napagpasiyahan ni Ke Yinan na lisanin ang Jinjiang at magtungo sa Pilipinas upang maghanap ng mas masagana at mapayapang buhay.
Noong Hunyo ng 1697 (araw ng Linggo), sa edad 35 anyos, bininyagan siya sa simbahan ng Parian sa San Gabriel, Maynila sa pangalang “Domingo,” na nangangahulugang Linggo bilang paggunita sa araw na ito.
Mula noon, nakilala si Ke Yinan bilang Domingo Lamco.
Makalipas ang mahigit 30 taon, nag-isang dibdib sina Domingo Lamco at ang mas batang si Inez de la Roza sa nasabing
simbahan.
Biniyayaan sila ng dalawang anak, na sina Francisco at Josefa; ngunit, sa kasawiang-palad, namatay si Josefa, limang araw matapos siyang ipanganak.
Sa kabilang dako, si Francisco ay ipinangalan sa kaibigan ng pamilya Lamco na si Friar Francisco Marquez.
Bukod dito, binigyan din siya ng apelyidong Mercado bilang paggunita sa propesyon ng pamilya Lamco na pagnenegosyo: ito rin ay upang makaligtas siya sa hindi patas na pagtrato ng mga Espanyol sa mga Tsino.
Dahil sa pagsisikap, umunlad ang buhay ni Francisco Mercado, at bukod sa pagkakaroon ng sariling rancho, siya rin ay naging alkalde ng Binan, Laguna.
Siya ay nagpakasal sa isang mestisang Tsino na si Bernarda Monicha, at ang kanilang panganay na si Juan Mercado ay sumunod ding naging alkalde ng Binan.
Nagpakasal si Juan Mercado kay Cirila Alejandra, at isa sa kanilang mga naging supling ay si Francisco Rizal Mercado, ang butihing ama ni Jose Rizal.
Ayon sa mga historyador, si Jose Rizal ay nabibilang sa ika-22 henerasyon ng angkang Ke mula sa lunsod Jinjiang.
Pinakamatayog na monumento ni Rizal sa buong mundo
Maliban sa Rizal Park sa Luneta, marami pang ibang bantayog, landmark, at historikal na palatandaang itinayo para kay Jose Rizal sa maraming bahagi ng mundo.
Ilan sa mga ito ay matatagpuan sa Madrid, Espanya; Wilhelmsfeld, Alemanya; Montreal, Canada; Paris, Pransya; Tokyo, Hapon; Roma, Italya; London, Britanya; Carson, California, Amerika; Maui, Hawaii; Sydney, Australya; Chicago, Amerika; Prague, Czech Republic; Seattle, Amerika; Hong Kong, Tsina.
Samantala, ang pinakamatayog na monumento ni Rizal sa buong mundo ay matatagpuan sa Jinjiang, Tsina.
Rizal Monument sa Jinjiang (file photo)
Si Jose Rizal ay iginagalang at ipinagmamalaki ng mga mamamayang Tsino dahil sa kanyang kagitingan, kabayanihan, sakripisyo at pagkakaroon ng dugong Tsino.
Ang damdaming ito ay ipinahayag mismo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang pagbisita sa Pilipinas noong 2018.
Ani Xi, “ang mga ninuno ni Jose Rizal, pambansang bayani ng Pilipinas ay nagmula sa Jinjiang, lalawigang Fujian ng Tsina. Ang kilalang Heneral Tsinong si Ye Fei (Sixto Mercado Tiongco), na nakipaglaban upang maitayo ang Bagong Tsina ay ipinanganak sa Quezon, Pilipinas. Para sa mga mamamayan ng dalawang bansa, ang mga pangalang ito ay mararangal at ina-alala.”
Dahil dito, buong pagmamalaking itinayo ng lokal na pamahalaan ng Jinjiang ang parke at monumento ng kanilang kinikilalang anak: ang dakilang bayaning Pilipino-Tsino na si Jose Rizal.
Noong 1999, sinamahan ng noon ay Embahador ng Tsina sa Pilipinas na si Fu Ying si dating Pangulong Joseph Estrada sa paglalatag ng pundasyon ng nasabing monumento: matapos ang tatlong taong konstruksyon, nakumpleto noong 2003 ang nasabing parke at monumento.
Base sa taon ng kapanganakan ni Rizal na 1861, ang kabuuang taas ng monumento ay 18.61 metro: ito ay mas mataas sa monumentong matatagpuan sa Luneta, na may taas na 12.7 metro.
Samantala, ang parke naman ay may lawak na limang ektarya at napaliligiran ng mga puno, halaman at bulaklak.
Sa ngayon, isa ito sa mga paboritong pasyalan at lugar pang-ehersisyo sa lunsod Jinjiang.
Artikulo: Rhio Zablan
Edit: Jade
Larawan: CFP/CMG Filipino Service/Jade