Sa pamamagitan ng video link, magkasamang dumalo, Disyembre 29, 2020, sina Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina at kanyang counterpart na si Luigi Di Maio ng Italya sa seremonya ng pagpipinid ng Ika-10 Joint Meeting ng Komite ng Pamahalaan ng Tsina at Italya.
Sinabi ni Wang na ang taong 2020 ay di-malilimutang taon sa kasaysayan ng relasyon ng Tsina at Italya.
Magkasama aniyang hinaharap ng dalawang bansa ang pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) at ito ay naging modelo ng kooperasyon ng dalawang bansa.
Dahil dito aniya, natamo ang bagong mahalagang progreso sa pagpapalitan ng dalwang bansa sa iba’t ibang larangan.
Ang taong ito ay Ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Diplomatiko ng Tsina at Italya, at ang relasyon ng dalawang bansa ay nasa bagong panibagong yugto sa kasaysayan, saad pa ni Wang.
Ang Komite ng Pamahalaan ng Tsina at Italya ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapasulong ng kooeprasyon ng dalawang bansa.
Hinggil dito, sinabi ni Wang, na sa ilalim ng bagong kalagayan, dapat nitong patuloy na palakasin ang mahalagang papel bilang plataporma sa pagbibigay ng mas malaking ambag sa pagpapasulong ng pag-unlad ng bilateral na relasyon ng dalawang panig.
Pinasalamatan naman ni Di Maio ang tulong at suporta ng Tsina sa Italya sa paglaban sa COVID-19.
Sinabi niyang sa loob ng framework ng Komite ng Pamahalaan ng Tsina at Italya, narating ng dalawang bansa ang bagong kasunduang pangkooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, kultura at iba pang larangang tiyak na magdudulot ng bagong kasiglahan sa pag-unlad ng relasyon ng dalawang panig.
Bilang tagapangulong bansa ng G20, umaasa aniya ang Italya na lalo pang lalakas ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa mga mahalagang isyung pandaigdig.
Magkasama ring nilagdaan ng dalawang ministrong panlabas ang mga dokumento sa video meeting na ito.
Salin:Sarah