Bating Pambagong-taon para sa 2021, mula sa Presidente ng China Media Group

2021-01-01 15:00:37  CMG
Share with:

Bating Pambagong-taon para sa 2021, mula sa Presidente ng China Media Group_fororder_pres Shen

 

Sa unang araw ng taong 2021, ipinaabot ni Shen Haixiong, Presidente ng China Media Group ang bating Pambagong-taon sa mga tagasubaybay sa iba’t ibang sulok ng mundo.

 

Narito po ang buong mensahe ni Ginoong Shen.

 

Mga mahal kong kaibigan,

 

Dumating na ang taong 2021 na inaasam-asam ng lahat. Ayon sa Kalendaryong Tsino, ang taong ito ay Taon ng Baka.

 

Ang baka ay isa sa mga pinakamaagang alagaing hayop ng sangkatauhan, at kahanga-hanga ang ambag nito sa sibilisasyon ng pagsasaka.

 

Sa mata ng mga Tsino, masipag, mapagpursige, at malakas ang baka.

 

Mula rito sa Beijing, hangad ko po ang isang Manigong Bagong Taon para sa inyong lahat, at nawa’y maging kasinlakas ng baka ang inyong katawan.

 

Di-pangkaraniwan ang katatapos na taong 2020. Kinakitaan ito ng napakaraming kahirapan at pagsubok sa buong mundo.

 

Nasalanta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang sangkatauhan.

 

Pero, sa pamumuno ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina at sa pagkakaisa at pagsusumisikap ng sambayanang Tsino, natamo ng bansa ang pansamantalang tagumpay sa pagpigil at pagkontrol sa pandemiya.

 

Bunga nito, ang Tsina ang nag-iisang kabuhayang nagkaroon ng positibong paglaki.

 

 

Sa kasalukuyan, nananalasa pa rin ang pandemiya sa maraming bansa ng mundo.

 

Tayo po ay nakikiramay sa lahat ng apektado, at harinawa’y malampasan natin ang pandemiya at manatiling malusog ang bawat isa.

 

Bilang media practitioner, tungkulin naming i-ulat at ikalat ang katotohanan.

 

Sa simula ng dagok ng pandemiya sa Tsina, mahigit 2,000 kasamahan ko ang tumulak sa unang hanay ng pagtugon sa salot.

 

Ang kanilang ulat na gaya ng mga nagbabagang balita mula sa ward ng mga nagka-COVID-19, at mga dokumentaryong tulad ng Together Against COVID-19, ay napapanahong nagpakita sa daigdig kung ano ang tunay na nangyari sa pagtugon ng Tsina sa pandemiya.

 

Kasabay nito, inilunsad namin ang palatuntunang COVID-19 Frontline, kung saan ibinahagi ng mga dalubhasang medikal na Tsino sa kanilang mga kasamahang dayuhan mula sa iba’t ibang bansa ang karanasan sa panggagamot ng COVID-19.

Bukod dito, upang pabulaanan ang mga bali-balita, isinagawa namin ang mga eksklusibong panayam kina Richard Horton, Editor-in-Chief ng The Lancet; Peter Forster, geneticist ng University the Cambridge at unang author ng artikulong pananaliksik na Phylogenetic Network Analysis of SARS-CoV-2 Genomes; at iba pa.

 

Sa kalilipas na taong 2020, damdam pa rin ang kabaitan ng mga tao.

Ani Zhang Zai, pilosopo ng Dinastiyang Song na mahigit 900 taon na ang nakakaraan, ang kahirapan, kagipitan, at lumbay ay nagpapalakas-loob ng tao at makakatulong sa tagumpay.

 

Ganito rin ang sa isang bansa.

 

Sa kabila ng pagsubok, umani kami ng pakikiramay mula sa iba’t ibang panig at naramdaman ang diwa ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.

 

Dahil sa pandemiya, naunawaan namin, na sa harap ng mga hamon na gaya ng salot, ang tanging paraan para makaraos sa kahirapan ay ang pagkakapit-bisig at sama-samang pagkilos.

 

Kahit apektado ang harapang pagpapalitan, pinaglapit ng pandemiya ang ating mga puso. Noong nakaraang taon, halos 300 ang bilang ng mga liham na aming ipinadala sa isa’t isa ng mga namumunong tauhan ng All-Russia State Television and Radio Broadcasting Company (VGTRK), Russian Gazette, BBC, CNN, AP, Reuters, AFP, NHK, Radiotelevisione Italiana (RAI), European Broadcasting Union (EBU), at mga sugong dayuhan, at iba pa.

 

Nagpalitan kami ng pangungumusta at nanawagan para sa pagsasabalikat ng responsibilidad tungo sa pagpapalalim ng pagkakaunawaan at pagkakasundo.

 

Higit pa riyan, idinaos ng CMG, kasama ng sandaang media organization mula sa Europa at Latin Amerika ang virtual forum para sa pagtutulungan at sama-samang pagharap sa pandemiya.

 

Kasabay nito, sa pamamagitan ng mekanismo ng regular na pagtutulungan, isinagawa ng CMG, at mga katuwang na banyagang media ang mga palatuntunang gaya ng Speaking Up about China—Generation 2021 at China’s Greatest Treasures.

 

Layon ng mga itong mapalakas ang loob ng mga mamamayan sa gitna ng pandemiya.

 

Kahalintulad ng pandemiya, ang karalitaan ay matinding sakit din ng sangkatauhan.

 

Saad ni Pangulong Xi Jinping, “ang paglipol sa kahirapan ay sa mula’t mula pa’y walang patid na pangarap ng sangkatauhan, at ito ay saligang karapatan ng mga mamamayan ng iba’t ibang bansa para sa mabuting pamumuhay. ”

 

Noong nakaraang taon, naisakatuparan ng Tsina ang pagpuksa sa ganap na karalitaan.

 

Sa pamamagitan ng walong taong pagtitiyaga, mahigit 100 milyong Tsino ang nakaahon sa kahirapan.

 

Masasabing ang Tsina ay lumikha ng himala sa kasaysayan ng pagpapahupa sa kahirapan ng sangkatauhan.

 

Bilang tagapagtala ng makasaysayang pagsisikap ng Tsina, inilabas namin ang dokumentaryong China’s War On Poverty sa samu’t saring wika, at espesyal na palatuntunang Global Action Initiative 2020: Poverty Alleviation.

 

Umaasa kaming ang mga kuwento at karanasan ng iba’t ibang pamilyang Tsino hinggil sa kung paano sila nakahulagpos sa karalitaan ay maaaring gawing reperensiya para sa mga kaibigan at bansa na nagsumisikap ding makaahon sa karalitaan.  

 

Kasabay ng pagpapatupad ng responsibilidad ng media, walang humpay kaming nagsisikap para itatag ang omni media, alinsunod sa target na maging pandaigdig, primera klase, bago at pangunahing media ang CMG.

 

Kaugnay nito, gamit ang mga modernong teknolohiyang gaya ng 5G+4K/8K+AI, live naming isinahimpapawid ang pangongolekta ng sample sa Buwan ng Chang’e-5 lunar probe, 10,000-metrong pagsisid ng Fendouzhe (Striver) sa Mariana Trench, at iba pang pananaliksik na pansiyensiya’t panteknolohiya.

 

Sa ika-3 China International Import Expo (CIIE), inilunsad namin ang online promo para sa mga produktong Europeo at naging mabenta ang mga ito sa mga mamimiling Tsino.

 

Sa tingin ko, ang pagsasabi ng katotohanan ang buhay ng media.

 

Ang kapani-paniwalang impormasyon ay nagpapakita ng tungkulin at kahusayan ng media.

 

Ikinalulungkot ko ang pag-uulat ng iilang media--sa halip na katuwiran, pinananaig nila ang pagkiling; at sa halip na katotohanan, pinangingibabaw nila ang kasinungalian.

 

Nabasa ko ang mga may kinikilingan at haka-hakang ulat hinggil sa isyu ng Hong Kong, isyu ng Xinjiang at iba pa.

 

Bilang tugon, inilantad namin ang mga tunay na pangyayari.

Nagkakaiba ang mga palagay, pero, nag-iisa lang ang katotohanan.

 

Sa bagong taon, pananagutan ng lahat ng mga media practitioner ng daigdig na bawasan, sa abot ng makakaya, ang mga bali-balita.

 

May kasabihang Europeo na maraming kaibigan ang mga taong makatwiran.

 

Sa bagong taon, patuloy na ipapatupad ng CMG ang responsibilidad bilang pandaigdig na pangunahing media at ito ay mananangan sa obdiyektibo at makatuwirang paninindigan para ipamalas sa mundo ang katotohanan, iparinig ang makatuwirang tinig at ipakita ang kagandahan ng iba’ t ibang sibilisasyon.

 

Ang 2021 ay ikasandaang anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Tsina (CPC). Sa simula, 13 lamang ang miyembro ng CPC.

Sa kasalukuyan, binubuo ito ng mahigit 90 milyong kasapi. Matagumpay na pinamumunuan ng CPC ang mapayapang pag-ahon ng Tsina.

Ano ang dahilan ng tagumpay ng CPC? Bakit suportadong suportado ito ng 1.4 bilyong mamamayang Tsino?

Sa taong 2021, ito ay ang mga magiging tampok ng aming pag-uulat.

Sa bagong taon, batay sa kagalingan at propesyonalismo, obdiyektibo naming isasahimpapawid ang hinggil sa Tsina at daigdig, at ihahatid sa inyo ang mas maraming de-kalidad na progroma.

 

Nagniningning ang sinag ng araw ng bagong taon.

 

Nawa’y ang Taon ng Baka ay maghatid ng suwerte sa inyong lahat.

 

Muli, Manigong Bagong Taon sa inyo.

 

 

Salin: Jade 

Audio/Web-edit: Jade 

Pulido/VO: Rhio

 

Please select the login method