Sa loob ng libu-libong taon, ginamit at patuloy na ginagamit ng mga magsasakang Tsino ang Nong Li, o Tradisyunal na Kalendaryo ng Tsina.
Ito ay may 24 na solar term, na siyang nagsasabi kung kailan nangyayari ang mga natural na penomena at iba pang astronomikal na kaganapan.
Dahil dito, mainam na nalalaman ng mga Tsino ang tamang panahon para sa pagtatanim, pag-aani, pag-iimpok at iba pang gawaing pang-agrikultura.
Noong Disyembre 1, 2016, inilakip sa listahan ng Intangible Cultural Heritage ng United Nations Educational Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang 24 na solar term, at tinagurian ang mga itong Ika-5 Dakilang Imbensyon ng Tsina.
At siyempre, dahil ngayon ay buwan ng Enero, nais kong ihandog sa inyo ang mga kawili-wili at nakakatuwang kaalaman tungkol sa ika-23 solar term na kung tawagin ay Xiao Han o Lesser Cold.
Xiao Han, ang ika-23 solar term
Ngayon ay ika-5 ng Enero 2021, at ngayong araw rin papasok ang Lesser Cold, o Xiao Han.
Tuwing Xiao Han, dumarating sa karamihang lugar ng Tsina, ang pinakamaginaw na panahon.
Ayon sa meteorolohikal na datos sa ilang lugar ng bansa, sa 24 na solar term ng Tradisyunal na Kalendaryo ng Tsina, ang may pinakamababang temperatura, o pinakamaginaw na panahon ay ang Xiao Han.
Dagdag pa riyan ilang beses lamang nagkaroon ng pagkakataong naging mas maginaw ang ika-24 na solar term, o Da Han (Greater Cold) kaysa Xiao Han.
Sa katunayan, sa panahong sinusulat ko ang artikulong ito, minus 12 digri sentigrado ang temperatura sa Beijing.
Bilang reprensiya: kapag iniwan ko sa labas ng aking bintana ang bote ng softdrink, ito ay magiging yelo sa loob lamang ng 3 hanggang 5 minuto.
Mas malamig pa sa freezer ang temperatura sa labas: mabuti na lamang at mayroong heater sa aking tirahan, kung wala, ako ay magiging isang popsicle.
Pero, bakit ba napakalamig tuwing Xiao Han?
Ayon sa mga eksperto, sa panahong ito, umiihip mula hilagang hemisperyo patungong timog hemisperyo ang malaking bolyum ng napakalamig na hangin, kaya naman lahat ng nasa daanan nito ay nagkakaroon ng pagbagsak sa temperatura.
Ang mga ilog, lawa at maging ang lupa, lalo na sa gawing hilaga ng Tsina ay nagyeyelo.
Dahil sa sobrang lamig, nadebelop ng mga Tsino ang mga kagawian, at pagkain upang panatilihing malusog ang katawan at mainit ang pakiramdam.
Pagkain at kagawian tuwing Xiao Han
Ayon sa Tradisyunal na Medisinang Tsino (TCM), ang lamig ay klasipikado bilang “yin” at ang init naman ay “yang.”
Para magkaroon ng malusog na pangangatawan, kailangan ang tamang balanse sa pagitan ng yin at yang.
Tuwing Xiao Han, nagkakaroon ng sobrang lamig, kaya dispalinghado ang balanse ng yin at yang sa katawan ng tao.
Upang masolusyunan ito, inirerekomenda ng TCM na kumain ng mga pagkaing nagdadala ng init at katakam-takam, gaya ng isdang trout, sili, cinnamon, leeks, fennel at parsley.
Ito rin ang dahilan kung bakit napakarami ang mga nakapaglalaway na putahe sa hapag-kainang Tsino sa panahon ng Xiao Han.
Huo Guo (Shabu-shabu)
Tinatawag na shabu-shabu sa Pilipinas, ang hotpot o Huo Guo ay isa sa mga pinakapaboritong kainin ng mga Tsino, at dayuhang namumuhay sa Tsina (gaya ng inyong lingkod) tuwing Xiao Han.
Dahil sa napakalamig na panahon, isa itong mainam na paraan upang ibalik ang sigla at saya sa isang pusong nalulumbay.
Ang tradisyonal na Huo Guo ng Beijing
Bukod diyan, dahil maaaring ilahok sa Huo Guo ang karne ng tupa, karne ng baka, karne ng isda, tofu, itlog, pansit o noodles, seaweed at lahat ng uri ng gulay, perpekto ito sa pagpapanatili ng balanse sa pagitan ng yin at yang, at siyempre, napakagaling sa pagbibigay ng sustansiya, at bitamina sa katawan ng tao.
Lugaw Laba
Tuwing ika-8 araw ng ika-12 buwan ng Tradisyunal na Kalendaryong Tsino, at kadalasan sa panahon ng Xiao Han, idinaraos sa Tsina ang isang pestibal na kung tawagin ay“Laba Festival.”
Sa Kapistahang Laba, halos lahat ng kabahayan ay nagluluto ng Lugaw Laba kung saan isinasahog ang walong rekadong tulad ng buto ng mga halaman o nut at pinatuyong prutas.
Lugaw Laba
Hinggil dito, ayon sa Compendium of Materia Medica (1590) ni Li Shizhen, isang kilalang parmakolohista ng Dinastiyang Ming (1368-1644), ang lugaw ay nakapagpapalakas ng“qi”(enerhiya ng buhay sa katawan ng tao), at nakakapagpabuti ng apdo at kalamnan sa tiyan.
Tulad ng lugaw at aros kaldo sa Pilipinas, ang Lugaw Laba ay pinaniniwalaang nakapagpapabalik ng sigla sa katawan, at mainam na gamot upang alisin ang sobrang lamig sa katawan ng tao.
Sa kabilang dako, ang Lugaw Laba ay madalas na manamis-namis, na di-tulad ng lugaw at aros kaldo ng Pilipinas na maala-alat.
Huangyacai
Sa lunsod Tianjin, kanugnog ng Beijing, isa nang kagawian ang pagkain ng Huangyacai tuwing Xiao Han.
Ang Huangyacai ay ang pinakamura at pinakapanloob na bahagi ng petsay wombok, at mayaman sa Bitamina A at B.
Ito ay malambot at may kaaya-ayang lasa, eksakto para sa pag-i-stir fry, pag-iihaw, at paggigisa.
Kaning Malagkit
Nakaugalian na ng mga taga-lalawigang Guangdong, sa gawing dakong timog-silangan ng Tsina ang pagkain ng kaning malagkit sa umaga ng Xiao Han.
Ito ay hinahaluan nila ng piniritong pinindang na karne, sausage at mani para lalong magkaroon ng linamnam at masarap na lasa.
Ayon sa teorya ng TCM, ang kaning malagkit ay nagpapalakas ng apdo at tiyan kapag malamig ang panahon.
Ginulayang kanin
Sa lalawigang Jiangsu, lalawigang Zhejiang, at Shanghai, sa gawing silangan ng Tsina, isa nang tradisyon ang pagluluto ng ginulayang kanin. Hinahalo sa pinasingawang kanin ang gulay, at sausage o pinindang na karne upang ito ay magkaroon ng kaaya-ayang lasa.
Ginulayang kanin
Ito ay pinaniniwalaang nagpapa-init ng kalamnan at nagbibigay-sigla sa katawan.
Ehersisyo
Gaano man kasustansiya ang pagkain, hindi pa rin ito sapat kung walang ehersisyo; kaya naman, mahalagang-mahalagang magkaroon ng ensayo tuwing Xiao Han.
Ayon sa salawikaing Tsino:“Kailangang mag-ehersisyo sa mga pinakamaginaw na araw ng taglamig.”
Kaya, kahit maginaw ang panahon, maraming Tsino ang nagtutungo sa mga parke upang mag-ehersisyo.
At alam ba ninyo, na isa sa mga pisikal na aktibidad na unti-unti nang nakikilala ngayon sa Tsina ay ang pambansang laro at orihinal na sining-Pilipino na Arnis o Eskrima.
Dahil sa mga galaw at katangian nito, ang Arnis o Eskrima ay eksaktong ensayo sa taglamig, dahil hindi lamang nito pinalalakas ang katawan, ito rin ay isang mahalagang aktibidad upang magkaroon ng mga kaibigan – perpekto para sa pagpapalakas ng kalusugan sa isip ng lahat ng mamamayan.
Bukod pa riyan, matututunan sa Arnis o Eskrima ang praktikal at episyenteng paraan ng pagtatanggol sa sarili.
Higit sa lahat, sa pamamagitan ng katutubong sining-Pilipino na ito, maibabahagi natin sa mga kaibigang Tsino ang esensiya at kaibuturan ng tunay na kulturang Pilipino.
Ayon nga sa kilalang dokumetaryong Bladed Hands, ang Arnis/Eskrima ay ang pinakadakilang “cultural export” ng Pilipinas.
Narito at panoorin ninyo ang isang maikling video, kung saan makikita ang inyong lingkod at si Yuli, isang doktor ng TCM habang nag-e-ensayo sa isang parke sa Beijing.
Bukod diyam, makikita rin sa video ang mga Tsinong nag-eehersisyo sa parke.
Artikulo: Rhio Zablan
Edit: Jade
Larawan: VCG