Nag-courtesy call si Wang Yi, dumadalaw na Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Malacañang, ngayong araw, Enero 16, 2021.
Pinahahalagahan ni Pangulong Duterte ang walang patid na pagpapalitang Pilipino-Sino sa mataas na antas, sa kabila ng pandaigdig na pandemiya.
Binigyang-diin din ni Duterte ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kooperasyon sa kalusugang pampubliko, lalo na sa pagkamit ng ligtas at mabisang bakuna, para mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan at mapabilis ang pag-ahon ng kabuhayan ng dalawang bansa at iba pang mga bansa.
Pinasalamatan din ni Duterte ang patuloy na suporta at pakikipagtulungan ng Tsina sa laban ng Pilipinas kontra COVID-19, sa larangan ng pagkakaloob ng kagamitang medikal, pagbabahagi ng karanasan at kahusayan, at pagpapauwi ng mga OFW.
Inulit naman ni Wang ang pangako ng Tsina na katigan ang Pilipinas kontra pandemiya ng COVID-19.
Ipinahayag niyang mag-do-donate ang Tsina ng 500,000 doses ng bakuna sa Pilipinas.
Ipinangako rin ni Wang ang patuloy na suporta ng Tsina sa pagbabalik sa normal ng kabuhayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng mas malakas na kooperasyong pangkabuhayan.
Inulit din ng Kasangguni ng Estado ng Tsina ang determinasyon ng bansa na suportahan ang Build, Build, Build program at tupdin ang mga proyekto ng imprastruktura sa ilalim ng government-to-government cooperation.
Sa linggong ito, pinirmahan ng dalawang bansa ang dalawang kasunduan sa naturang mga proyekto. Kabilang dito ang Samal Island-Davao City Connector Project at Subic-Clark Railway Project.
Salin: Jade
Pulido: Mac
Photo credit: PCOO