Idinaos nitong Huwebes, Enero 21, 2021 ng Tanggapan ng World Health Organization (WHO) sa Aprika, ang online news briefing, para isalaysay ang plano at mga hamong kinakaharap ng Aprika sa malawakang pagbabakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Matshidiso Rebecca Moeti, Direktor ng WHO sa rehiyon ng Aprika, na sa maikling panahon pagkaraang lumitaw ang coronavirus, idinebelop at inaprobahan sa buong mundo ang ilang ligtas at mabisang bakuna, ito ay isang kagila-gilalas na tagumpay.
Dagdag niya, pero dahil sa bilateral na kasunduan sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 sa pagitan ng ilang bansa, maraming bakuna ang itinago, at pinataas ang presyo ng bakuna, bagay na malaking makakaapekto sa pagpapanumbalik sa normal ng mga bansang Aprikano mula sa epekto ng pandemiya.
Ayon sa datos ng WHO, hanggang noong unang dako ng buwang ito, halos 40 milyong dosis ng bakuna laban sa COVID-19 ang itinurok sa 50 bansang may mataas na kita.
Sa Aprika, ang Guinea ay siyang tanging bansang may mababang kita na nagkakaloob ng bakuna kontra COVID-19 sa mga mamamayan, pero 25 tao lang sa bansa ang nabakunahan.
Salin: Vera