Nag-usap sa telepono Pebrero 22, 2021, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Sadyr Zhaparov, Pangulo ng Kyrgyzstan.
Tinukoy ni Xi na nitong 29 na taong nakalipas sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko, malusog at matatag ang pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Kyrgyzstan. Nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Kyrgyzstan, para pasulungin ang bagong pag-unlad ng komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at Kyrgyzstan.
Binigyan-diin ni Xi na sa kasalukuyan, itinatatag ng Tsina ang bagong estruktura ng pag-unlad at pinapasulong ang pagbubukas sa labas sa mas mataas na antas. Tiyak nitong ipagkakaloob ang mas maraming pagkakataon para sa iba’t ibang bansa ng daigdig na kinabibilangan ng Kyrgyzstan. Dapat patuloy na pasulungin ng Tsina at Kyrgyzstan ang palagian at matatag na pag-unlad ng aktuwal na kooperasyon ng dalawang bansa.
Pinasalamatan naman ni Sadyr Zhaparov ang Tsina sa ipinagkaloob ng tulong sa pag-unlad ng Kyrgyzstan, at suportang ibinigay sa Kyrgyzstan sa paglaban sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19). Ang Tsina at Kyrgyzstan ay mabuting magkaibigan at magkapartner aniya pa.
Ipinahayag niyang buong tatag na sinusuportahan ng Kyrgyzstan ang paninindigan ng Tsina sa mga isyung may kinalaman sa Hong Kong, Xinjiang at Taiwan, at nananangan ang Kyrgyzstan ng patakarang Isang Tsina.
Nakahanda ang Kyrgyzstan na magsikap, kasama ng Tsina, para pasulungin ang pagtatatag ng Belt and Road Initiative (BRI). Nananalig siyang sa pamumuno ni Pangulong Xi Jinping, tiyak na matatamo ng Tsina ang mas malaking tagumpay.
Salin:Sarah