Mga pangulo ng Tsina at Tajikistan, nag-usap sa telepono; komprehensibong kooperasyon ng dalawang bansa, palalawakin

2021-03-02 11:27:28  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono kay Pangulong Emomali Rahmon ng Tajikistan nitong Lunes, Marso 1, 2021, nagpahayag si Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng kahandaan ng panig Tsino na palakasin ang sinerhiya ng Belt and Road Initiative at pambansang estratehiya sa pag-unlad ng Tajikistan bago ang taong 2030, at pasulungin ang walang humpay na pag-unlad ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa.
 

Diin ni Xi, ang ibayo pang pagpapasulong ng Tsina sa reporma at pagbubukas ay magdudulot ng bagong pagkakataon para sa komprehensibong kooperasyon ng Tsina at Tajikistan. Aniya, dapat pasulungin ng kapuwa panig ang kanilang kooperasyon sa mga larangang gaya ng kabuhaya’t kalakalan, pamumuhunan, agrikultura, konektibidad, digital economy at iba pa, at bigyan ng priyoridad ang pagpapasulong sa mga mahalagang proyekto ng Belt and Road.
 

Nakahanda ang Tsina na ipagkaloob ang tulong ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa panig Tajikistani, dagdag niya.
 

Diin ni Xi, ang kasalukuyang taon ay ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng Shanghai Cooperation Organization (SCO). Puspusang kakatigan ng panig Tsino ang mga gawain ng panig Tajikistani bilang kasalukuyang tagapangulong bansa ng SCO, palalakasin ang kooperasyon sa Tajikistan, upang pasulungin ang higit na pag-unlad ng SCO bilang isang organisasayon mula sa isang bagong starting point.
 

Inihayag naman ni Rahmon na magsisikap ang kanyang bansa, kasama ng panig Tsino, upang palawakin ang kooperasyon ng kapuwa panig sa iba’t ibang larangang kinabibilangan ng pulitika, kabuhaya’t kalakalan, seguridad, at people-to-people exchanges, palakasin ang kooperasyon sa paglaban sa pandemiya, at pasulungin ang  pag-unlad  ng bilateral na relasyon.
 

Salin: Vera

Please select the login method