Ikinababalisa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang kalagayan sa Myanmar, at nanawagang lutasin ng bansa ang mga problema sa mapayapang paraan.
Ang panawagan ay ipinahayag sa di-pormal na virtual meeting ng mga Ministro ng Ugnayang Panlabas ng ASEAN na idinaos Marso 2, 2021.
Ayon pa sa pahayag, buong pagkakaisang ipinalalagay ng ASEAN na napakahalaga ng katatagang pulitikal ng anumang miyembro para sa pagsasakatuparan ng kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng ASEAN.
Nanawagan din ang mga naturang opisyal na dapat magtimpi ang iba’t ibang panig ng Myanmar, iwasan ang karahasan, lutasin ang problema sa pamamagitan ng konstruktibong diyalogo, at hanapin ang mapayapang paraan ng paglulutas na angkop sa kapakanan ng mga mamamayan.
Samantala, sinabi ng pahayag na handa ang ASEAN para ipagkaloob ang tulong sa Myanmar sa aktibo, mapayapa, at konstruktibong paraan.
Salin:Sarah