Sa pag-usap sa telepono kamakailan nina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Fuad Hussein, Ministrong Panlabas ng Iraq, ipinahayag ng una ang kahandaan ng panig Tsino na patuloy na katigan ang Iraq sa pakikibaka laban sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Ito aniya ay para tulungan ang Iraq na makahulagpos sa kahirapan sa lalong madaling panahon.
Ipinahayag ni Wang ang pasasalamat sa ibinibigay na pag-unawa at suporta ng panig Iraqi sa mga isyung gaya ng Xinjiang at Hong Kong. Aniya, ang suporta sa Tsina ay suporta sa di-panghihimasok ng ilang bansa sa suliraning panloob ng iba pang bansa, na siyang layunin at prinsipyo ng “UN Charter.”
Nakahanda ani Wang, ang Tsina na palakasin ang pakikipagsanggunian at pakikipagkooperasyon sa Iraq upang totohanang mapasulong ang malusog na pag-unlad ng pandaigdigang usapin ng karapatang pantao.
Ipinahayag din ni Wang ang kahandaan ng panig Tsino na magsikap kasama ng panig Iraqi para mapatibay ang tradisyonal na pagkakaibigan at mapalalim ang pagtitiwalaang pulitikal ng dalawang bansa.
Patuloy aniyang hihikayatin at susuportahan ng panig Tsino ang mas maraming kompanyang Tsino sa aktibong pakikilahok sa rekonstruksyon ng Iraq upang mapataas ang lebel ng kooperasyon ng dalawang bansa sa mga larangang gaya ng koryente, komunikasyon, at tele-komunikasyon.
Idinagdag ni Wang na ang Iraq ay isang malaking bansa sa Gitnang Silangan, at ginagampanan nito ang mahalagang papel sa pangangalaga sa kapayapaan, katatagan at kaunlaran sa rehiyong ito.
Hinahangaan aniya ng panig Tsino ang pagpapanatili ng Iraq sa mainam na relasyon sa mga kapitbansa, at masaya ring nakikita ng Tsina ang paggawa ang ambag ng Iraq para maisakatuparan ang katatagan at kaunlaran sa rehiyon.
Ipinahayag naman ni Fuad Hussein ang pasasalamat sa ibinibigay na pagkatig at tulong ng Tsina sa Iraq sa pakikibaka laban sa COVID-19.
Ito aniya ay nagpapakita ng malalim na damdamin at pagkakaibigan ng mga mamamayang Tsino sa Iraqi.
Lubos aniyang pinahahalagahan ng Iraq ang pagpapaunlad ng relasyon sa Tsina.
Umaasa ang Iraq na mapapalakas ang kooperasyong Iraqi-Sino sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, at langis, aniya pa.
Salin: Lito
Pulido: Rhio