Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono nitong Martes ng gabi, Marso 16, 2021 kay Pangulong Mohamed Irfaan Ali ng Guyana, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Guyana, kapansin-pansing bunga ang natamo ng kooperasyon ng dalawang bansa sa iba’t-ibang larangan.
Sinabi ni Xi na ang susunod na taon ay Ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Diplomatiko ng Tsina at Guyana. Dapat aniyang pasulungin ng dalawang bansa ang magkasamang konstruksyon ng “Belt and Road” para makuha ang mas maraming bungang pangkooperasyon.
Dagdag pa niya, nakahanda ang Tsina na palakasin ang pakikipagkooperasyon sa Guyana sa larangan ng bakuna kontra sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Ipinahayag naman ni Ali ang pasasalamat sa ibinibigay na tulong at suporta ng Tsina sa kanyang bansa sa pakikibaka laban sa pandemiya.
Nakahanda aniya ang Guyana na aktibong pasulungin ang pagpapaunlad ng relasyon ng Caribbean Community sa Tsina.
Salin: Lito
Pulido: Mac