Sa kanyang talumpati Abril 21, 2021, sa resepsyong magkasamang idinaos ng Chinese People's Association for Friendship with Foreign Countries at Embahada ng Laos sa Tsina bilang pagdiriwang sa Ika-60 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Diplomatiko ng Tsina at Laos, ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na nitong 60 taong nakalipas, palagiang nagkakaisa at nagtutulungan ang dalawang bansa, tungo sa pagpapasulong ng malusog na pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at pangangalaga sa katarungan at katuwiran sa daigdig.
Ani Wang, sa harap ng bagong panahon at bagong pagkakataon, dapat walang humpay na pabutihin ng Tsina at Laos ang pagkakaisa at pagtitiwalaan sa isa’t isa, batay sa mga komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, para pasulungin ang pagtatatag ng pinagbabahaginang kinabukasan ng buong sangkatauhan.
Samantala, pinapurihan ni Khamphao Ernthavanh, Embahador ng Laos sa Tsina, ang kahanga-hangang bunga na natamo ng bansa sa pag-unlad.
Taos puso rin niyang pinasalamatan ang suporta at tulong na ipinagkaloob ng Tsina sa Laos sa paglaban sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Ang resepsyong ito ay mahalagang bahagi ng serye ng aktibidad kaugnay ng pagdiriwang sa Ika-60 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Diplomatiko ng Tsina at Laos na magkakasamang sinimulan Enero 2021, nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Thongloun Sisoulith ng Laos.
Lumahok sa pagtitipon ang mga nasa 100 katao mula sa iba’t ibang sirkulo ng Tsina at Laos, at mga diplomatikong tauhan ng mga bansang ASEAN sa Tsina.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio