Sa pagdating ni Fernando Magallanes, ang isla ng Mactan ay tahanan ng hindi lamang isa, kundi ilang barangay.
May barangay na kung tawagin ay Bulaia o Bulillla o Buaia, may barangay Opon, at may tatlong iba pang hindi napangalanan sa opisyal na ulat ng bigong ekspedisyon ni Magallanes noong 1521.
Isa sa mga hindi napangalanang barangay ay pinamunuan ni Sula.
Samantala, ang barangay Opon, na nasa gawing timogkanluran ng Mactan ay pinamunuan ni Lapulapu.
Maliban kay Sula, lahat ng mga datu ng Mactan ay kaalyado o napapailalim sa pamumuno ni Lapulapu, kaya siya ang kinikilalang pinakamataas na pinuno ng isla ng Mactan.
Ayon sa matandang alamat ng Opon, may ilang kasamahan si Lapulapu na tulad nina Bali-alho, Kambakilig, Tindok-Bukid [datu ng Maragondon, isang kalapit barangay], Umindig mula sa barangay Ibo, Sagpang Baha o Sampung Baha at Bugto Pasan.
Posibleng sila ay mga kamag-anakan ni Lapulapu.
Lapulapu, sa likod ng alamat
Saliwa sa paniniwala at imahenasyon ng nakararaming Pilipino, ang Lapulapu na kinikilalang bayani ng Labanan ng Mactan noong Abril 27, 1521 ay hindi bata at matipunong mandirigma, bagkus, siya ay isang matanda at matalinong estratehistang bihasa sa larangan ng digmaan.
Base sa kanyang mga panayam sa mga nakaligtas sa eskpedisyon ni Magallanes, inilarawan ng Portugues na historyador na si Gaspar Correa ang hitsura ni Lapulapu sa panahon ng pagdating ni Magallanes sa Cebu.
Ayon kay Correa, “si Lapulapu ay matanda, malamang nasa edad 70 anyos.”
Pero hinog man sa gulang, niliwanag ni Antonio Pigafetta, punong tagatala ni Fernando Magallanes ang kasikatan ni Lapulapu, kumpara sa iba pang lokal na pinuno ng Mactan at Cebu.
Aniya, “Ang pinakamalapit na isla ay tinatawag na Mauthan [Mactan], ang hari nito ay may nakararaming sundalo at sandata kumpara sa iba.”
Ang impresyong ito ay sinuportahan ng isa pang tagatalang Espanyol na si Fernandez de Oviedo, at ayon sa kanya, si Lapulapu “ay hari o pinunong kinikilala dahil sa kanyang galing sa sining ng digmaan, at napakamakapangyarihan kumpara sa iba pang mamamayan.”
Sa kanya namang aklat na pinamagatang “Ferdinand Magellan: The Armada de Maluco and the European Discovery of the Philippines,” ipinaliwanag ni Danilo Madrid Gerona na si Lapulapu ay iginagalang, kinatatakutan at kinikilalang pinuno, hindi lamang ng kanyang mga nasasakupan, kundi ng iba pang mga datu mula sa iba pang barangay at isla.
Maliban sa mga ito, ang mga kaalaman hinggil kay Lapulapu ay nagmula lamang sa mga kuwentong bayan at alamat.
Kaya naman, ang tunay na pagkatao ni Lapulapu, ang hepe ng barangay Opon at kinikilalang pinakamataas na pinuno ng Mactan ay nananatiling isang talinghaga magpahanggang ngayon.
Pero, hindi ba nakakapagtaka, na ang pinuno ng isang barangay sa isla ng Mactan ay kinikilala, iginagalang at kinatatakutan ng ibang datu mula sa mga karatig barangay at maging mula sa iba pang nakapaligid na isla?
Bakit?
Ayon kay Gerona, may mga dokumentong nagpapatunay na sangkot si Lapulapu sa “pamimirata at pakikidigma” noong kanyang kabataan, at ito ang dahilan kung bakit siya kinikilala, iginagalang at kinatatakutan.
Pero, bago tayo tumuloy sa usapang iyan, suriin muna natin kung ano ba ang kahulugan ng “pamimirata at pakikidigma” sa buhay at lipunan ng mga sinaunang nanirahan sa bansang ngayon ay kilala bilang Pilipinas.
Sa kanyang aklat na Barangay: Sixteenth Century Philippine Culture and Society sinabi ni William Henry Scott, na ang mga mandirigma ay may mataas na katayuan sa lipunang Bisaya, at bilang pagpapakilala sa kanilang giting, tinatatoan nila ang kanilang mga katawan – mas maraming tato, mas mataas ang pagkilala ng lipunan.
Pintados ang tawag sa kanila ng mga Espanyol, ani Scott.
Paliwanag pa niya, iyong mga aktuwal na nakilahok sa labanan at nakapaslang ng mga kalaban ay nagsusuot ng bahag na kulay pula.
Pula ang kulay ng mga Bagani, mga mandirigmang kinatatakutan sa labanan dahil sa kanilang kakayahan at tapang.
Bilang simbolo na ang isang Bagani ay nakapatay ng katunggali sa labanan, siya ay nagsusuot ng putong na kulay pula.
“Ang mga kalalakihang nakapatay ng pito pataas ay maaaring magsuot ng espesyal na bahag at putong na gawa sa materyal na may disenyong guhit,” saad pa ni Scott.
Ayon naman sa Augustinianong pari na si Rodrigo Aganduru Moriz, na may malawak na kaalaman hinggil Cebu, sa mga unang dako ng Katolisasyon nito, “Sa lugar na iyon, tinitingala ng mga katutubo ang matatapang na lalaki at maging ang kanilang mga pinuno ay mga pirata. Inaalay nila ang kanilang buong buhay sa karagatan bilang mga pirata, at sa kalupaan bilang mga mandarambong, kaya sa kadahilanang ito, bilang mga sanay sa palagiang pakikidigma, sila ay mga kalalakihang walang kinatatakutan at hindi kailangang magtrabaho, kapuwa sa kanilang tahanan at barangay.”
Si Lapulapu ay pinuno ng barangay Opon, kanyang punong-himpilan sa isla ng Mactan, at malaking posibilidad na ang pangalang ito ay nagmula sa mga salitang Opang o Opol.
Ayon sa Diksyunaryong Mentrida (ika-17 siglo), ang Opang ay nangangahulugang “paggawa ng kalaban o pakikipag-away,” samantalang ang Opol naman ay “pagbarikada sa kalsada o daan sa ilog sa pamamagitan ng mga sanga ng punong-kahoy o tinik.”
Ipinakikita ng mga salitang ito ang kaugnayan ng pangalang Opon sa “pamimirata at pakikidigma.”
Samantala, ayon sa Aginid Bayok sa Atong Tawarik, alamat ng pinagmulan ng maharlikang pamilya ng Cebu; ang pangalang Mactan ay nagmula sa mangati o mangatang, salitang Cebuano na nangangahulugang pirata.
Sa Diksyunaryong Mentrida, ang mangati ay “isang magnanakaw.”
Ang Mactan ay may estratehikong lokasyon, at ito ay nasa bukana ng lagusan patungong pantalan ng Cebu.
Dahil dito, nagkaroon ng perpektong posisyon si Lapulapu upang harangin at piratain ang mga barkong pangkalakal na nagdaraan sa kanyang lugar.
Kaya naman, pinaniniwalaan ng mga Espanyol na ang mga katutubo ng Mactan ay mga pirata.
Para sa kanila ang “pamimirata at pakikidigma” ay pawang para sa ekonomiko at politikal na kadahilanan lamang, dahil ang mga ito ay kinabibilangan ng pagbihag sa mga tao at pagkuha ng yaman.
Pero, ang hindi nila nauunawaan, para sa mga pre-Hispanikong Bisaya at pre-Hispanikong Pilipino sa pangkalahatan, ang “pamimirata at pakikidigma” ay sinlehitimo ng pakikipagkalakalan.
Ang “pamimirata at pakikidigma” ay hindi lamang para sa paghihiganti; sa halip, ang mga ito ay ekspresyon ng giting, kakayahan sa pakikipaglaban, at higit sa lahat, paraan ng pag-ani ng pagkilala, paggalang, at submisyon ng iba pang mga pinuno.
Batay sa historikal na ebidensiya at higit sa mga alamat, si Lapulapu ay naging kilala dahil sa “pamimirata at pakikidigma” noong kanyang kabataan.
Sa pamamagitan nito, inani niya ang respeto, at pagkilala ng lahat ng mga nasasakupan, at maging submisyon ng ilang datu mula sa mga karatig barangay at iba pang isla ng rehiyon ng Visayas.
Ang matanda at matalinong estratehistang Lapulapu, na nasa edad 70 anyos ang pinuno [hindi kasama sa pisikal na labanan] ng humigit-kumulang 1,500 matatapang na mandirigma ng Mactan: at dahil sa kanyang katalinuhan at estratehiya, nagupo ang tinaguriang Armada de Maluco ng Espanya noong Abril 27, 1521, at nakitilan ng buhay si Fernando Magallanes.
Sandugo at Requerimiento
Matapos niyang dumating sa Cebu, dagliang nakipagkaibigan si Fernando Magallanes kay Humabon, pinuno ng Cebu.
Mahigpit na magkatunggali sina Humabon at Lapulapu.
Ang pagdating ni Magallanes ay isang pambihirang oportunidad para kay Humabon upang gapihin si Lapulapu.
Kaya naman, daglian niyang sinamantala ang pagkakataon upang makipagtulungan kay Magallanes sa pamamagitan ng Sandugo.
Ang Sandugo ay literal na nangangahulugang “isang dugo,” isang sinaunang rituwal ng mga katutubo ng bansang kilala ngayon bilang Pilipinas.
Ito ay isinasagawa bilang tanda ng sinseridad ng intensyon, matalik na pakikipagkaibigan at higit sa lahat, simbolo ng pagiging magkapatid.
Ayon kay Pigafetta, uminom ng dugo sina Humabon at Magallanes na nagmula sa bisig ng isa’t-isa, bilang tanda ng kanilang matalik na pagkakaibigan.
Sa pamamagitan ng rituwal, ang dalawa ay naging magkapatid sa dugo - isang alyansang magbibigay bentahe kina Humabon at Magallanes upang makamtan ang kani-kanilang politikal na ambisyon.
Plano ni Humabon na gamitin ang alyansang ito upang konsolidahin ang kanyang pamumuno sa Cebu at Mactan, at iligpit ang kanyang katunggaling si Lapulapu.
Sa kabilang dako, ito ay oportunidad para kay Magallanes upang isulong ang imperyalistikong ambisyon ng Espanya at ikalat ang Katolisismo sa mga katutubo.
Para rito, inilabas ni Magallanes ang kautusang nagtatakda kay Humabon bilang pinakamataas na pinuno ng Cebu at mga kalapit na isla.
Nagpadala rin siya ng mga kinatawan sa iba’t-ibang lugar na humihiling sa mga katutubo na magpasakop sa hari ng Espanya at kanyang kinatawang si Magallanes.
Ito ang tinatawag na Requerimiento – dokumentong ginamit din ng mga conquistadores sa pagsakop sa Latin Amerika.
Napapaloob sa kasumpa-sumpang dokumentong ito ang mga sumusunod:
*Pagtanggap sa simabahang Katoliko bilang pinakamataas na awtoridad sa buong mundo at sa papa bilang kinatawan ng Diyos;
*Obligasyon ng mga sasakuping katutubo na tanggapin ang Katolisismo.
Kapag hindi tinanggap ng mga katutubo ang mga kahilingang nabanggit, sila ay sasakupin, papaslangin at kakamkamin ang lahat ng kanilang ari-arian.
Sagot sa Requerimiento
Maliban kina Humabon at Sula, pinagkatuwaan ng mga pinuno ng Mactan ang mga mensahero ni Magallanes na naghatid ng Requerimiento.
Para sa kanila ito ay isang katawa-tawa at hindi dapat sineseryosong dokumento.
Ayon kay Fray Aganduru Moriz, bilang sagot sa Requerimiento, may-pagmamalaking idineklara ni Lapulapu,“walang sinuman sa labas ng kanyang lahi ang may karapatang pamahalaan ang mga mamamayang ng Mactan, at katulad ng kanyang mga ninuno, siya ay may pananagutan lamang sa kanyang mga kababayan, at hindi siya yuyukod sa kahit sinumang hari.”
Pero, may ibang historikal na tala na salungat dito, gaya ng kay Peter Martyr, na kumuha mismo ng impormasyon sa mga nakaligtas sa ekspedisyon ni Magallanes.
Ayon kay Martyr, tinawid ni Magallanes ang Mactan sakay ng “… katutubong bangkang inukit mula sa katawan ng puno. Nais niyang kausapin ang pinuno ng Mactan upang kumbinsihin siyang magpasakop sa dakilang hari ng Espanya, at magpailalim at magbayad ng pagkilala o tributo sa pinuno ng Cebu. Sinabi ni Lapulapu na payag siyang sumunod sa hari ng Espanya, pero hindi sa pinuno ng Cebu. Dahil dito, ipinag-utos na Magallanes ang pagsunog at pagdambong sa isang kutang kinapapalooban ng mga limampung kabahayan…”
Samantala, sa kanyang testimonya matapos makabalik sa Espanya, sinabi ni Fernando de Bustamante, barber-surgeon ng barkong Victoria, na payag magpailalim sa hari ng Espanya ang mga katutubo ng Mactan, pero hindi kay Humabon.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Scott, na sa panahon ng pagdating ng mga Europeo, ang lipunang Bisaya, at ang mga lipunan sa bansang ngayon ay kilala bilang Pilipinas “ay may maliit na populasyon, mababang produksyon, at may walang-limitasyong akses sa likas na yaman, tulad ng yamang-dagat at produktong gubat. Ang kakayahan ng isang datu na bumili ng bakal at iba pang mamahaling inangkat na produkto ay nakadepende sa kontrol ng lakas-manggagawa upang masamantala ang nasabing mga likas-yaman. Samakatuwid, ang mga digmaan ay isinasagawa upang makontrol ang mga tao at hindi ang teritoryo. Inilulunsad ang mga ito sa pamamagitan ng pamimirata upang mambihag ng mga gagawing alipin, magsimula o magpatupad ng napagkasunduang alyansang pangkalakalan, at mandambong upang makabawi sa mga ginastos.”
Higit sa mga kalakal, ang mga alipin ang simbolo ng yaman at kapangyarihan ng isang datu, lalung-lalo na kapag ang mga ito ay nabihag sa pamamagitan ng pamimirata.
Sa isip at paniniwala ng mga katutubo ng bansang kilala ngayon bilang Pilipinas, ang mga Espanyol ay mga piratang katulad din nila, at ang mga aktibidad ng mga Espanyol ay walang pinagkaiba sa kanilang mga gawain.
Kaya naman, maraming datu mula sa Luzon at Visayas ang nakipag-alyansa sa mga Espanyol, dahil sa pamamagitan nito, maisusulong ang kanilang mga indibiduwal na adiyenda.
Para sa mga datung ito, ang pagdating ng mga Espanyol ay hindi isang hamon at suliranin, dahil ang akses sa likas na yaman ay walang limitasyon, at wala ring problema kung ibabahagi ito sa mga Espanyol.
Ayon kay Scott, “sang-ayon ang mga Bisaya na magpailalim sa mga piratang Espanyol kung may bentahe at pakinabang dito, pero, hindi sila nakahandang makipaglaban kontra sa pananakop ng kanilang teritoryo.”
To be continued...
May-akda: Rhio M. Zablan
Web Editor: Lito