Upang maipakilala sa mga negosyanteng Tsino ang mga kapakinabangang maidudulot ng pagtatayo ng negosyo sa Pilipinas matapos ang pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), idinaos kamakailan sa lunsod Xiamen, lalawigang Fujian, dakong timogsilangan ng Tsina ang“Forum on Philippines-China Post-Pandemic Economic Cooperation” at iba pang kaugnay na aktibidad.
Sa pangunguna ni Jose Santiago L. Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, naglahad, nagtalumpati at nakipagtalakayan ang delegasyong pang-ekonomiya ng Pilipinas sa mga negosyanteng Tsino mula sa Xiamen at lalawigang Fujian, upang ipakita ang mga bentaheng maaaring idulot ng pamumuhunan sa bansa.
Embahador Jose Santiago Sta. Romana, habang nagtatalumpati. Litrato: Embahada ng Pilipinas sa Beijing
Sa eksklusibong panayam ng China Media Group-Filipino Service kay John Paul Inigo, Special Trade Representative ng Department of Trade and Industry na nakabase sa Guangzhou, sinabi niyang ginawa ang porum para sa mga Tsinong negosyante na nagnanais malaman ang mga pangyayari sa Pilipinas sa post-pandemic period.
John Paul Inigo habang nagtatalumpati. Litrato: John Paul Inigo
Sa ngayon aniya, maraming Tsinong negosyante ang gustong mangalakal at gustong mamuhunan sa Pilipinas, pero wala silang impormasyon kung ano ang nangyayari sa bansa, kaya sa pamamagitan ng naturang porum, nailahad ang kasalukuyang mga pangyayari sa larangan ng negosyo, ekonomiya, lakas-manggagawa at iba pa.
Mga kalahok sa porum. Litrato: Embahada ng Pilipinas sa Beijing at John Paul Inigo
“Kaya naman, doon lumabas iyong ideya na kailangang magdaos tayo ng investment opportunities forum para ipakita sa kanila, na hindi man tapos ang pandemiya, naroon pa rin [sa Pilipinas] iyong oportunidad,” saad ni Inigo.
Dagdag niya, kapag namuhunan ang mga negosyanteng Tsino sa Pilipinas, hindi lang sila kikita, matutulungan pa nilang magkaroon ng trabaho ang mga Pilipino, at patuloy pang mapapalakas ang mahigit isang libong taong ugnayang pangkalakalan at pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino.
Ayon sa“Chu-Po Accounts,” sa Volume 489 ng Song Dynasty Annals at“Kabanata Hinggil sa Champa”sa Volume 332 ng Wen Xiang Tong Kao, naglayag patungong Tsina ang mga taga-kaharian ng Ma-i upang makipagkalakal noong 982AD.
“Nariyan din ang Kaharian ng Ma-i, na noong ikapitong taon ng paghahari ng Taiping Xingguo (982) ay nagdala ng mahahalagang kalakal sa dalampasigan ng Guangdong,” saad ng naturang mga historikal na tala.
Ang sinaunang Kaharian ng Ma-i ay bahagi ng kasalukuyang probinsya ng Mindoro o Laguna.
Itong ang pinaka-unang tala ng bilateral na relasyon ng Pilipinas at Tsina.
Bentahe ng Pilipinas, ibinida
Ilan pa sa mga bentahe ng Pilipinas na ibinida ni Inigo ay ang batang lakas-manggagawa, kasanayan sa wikang Ingles na magpapataas sa lebel ng produktibidad ng mga kompanya, at pribelihiyo ng general system of preference na nagtatanggal sa taripa ng mga produktong yari sa Pilipinas kapag ang mga ito ay iniluwas sa Amerika at Europa.
Bagamat aniya, mas mataas ang labor cost sa Pilipinas, sa pamamagitan ng mga nabanggit na bentahe at insentibo, malaki ang magiging pakinabang ng mga kompanyang Tsino kung sila ay mamumuhunan sa Pilipinas.
Pagpapadala ng mga nars at caregiver na Pinoy, pinag-usapan sa porum
Kasama ang mga opisyal Pilipino, masinsinang tinalakay ng mga negosyanteng Tsino kung paano isusulong ang mga pag-aaral upang mas madaling silang makapasok sa merkado ng Pilipinas, at kung paano makakapamili ng mga produktong Pilipino matapos ang pandemiya ng COVID-19, o maging sa kasalukuyang panahon.
“Iyong importante po diyan ay, sa ngayon nasa estado sila ng pagsasaliksik, [tulad ng] ano ba ang gagawin natin, at paano ba natin ikakamada? Kasi sa sandaling wala na itong pandemiya – inaasahan natin na sa huling dako ng 2021 hanggang unang bahagi ng 2022, wala na itong pandemiya, madali silang makakapunta sa Pilipinas,” kuwento pa ni Inigo.
Isa pa aniyang natalakay sa porum ay ang posibilidad at paraan kung paano makakapagpadala ng mga nars at caregiver na Pilipino sa Chinese mainland.
Pero, binigyang-diin ni Inigo na para magkaroon ng pagkakasundo sa larangang ito, kailangang magmula sa pamahalaang Tsino ang kahilingan para sa ganitong uri ng manggagawang Pilipino.
“Ang sabi namin sa Renyi Holding Group, maganda po iyong proposal ninyo, pero baka pwede ninyong sabihin sa pamahalaang Tsino na ito po ang kinakailangang mangyari bago magkaroon ng ganyang usapin,” saad pa ni Inigo.
Mas gusto kasi aniya ng pamahalaang Pilipino na dalhin ang mga trabaho sa Pilipinas sa pamamagitan ng pag-akit ng mga puhunang magmumula sa Tsina upang makagawa ng mas maraming trabaho para sa mga mamamayang ng bansa.
Ang naturang porum ay magkasamng inorganisa ng Philippine Trade and Investment Center (PTIC) – Guangzhou, Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM) –Xiamen, at Renyi Holding Group.
Ang Renyi Holding Group ay isang kompanyang aktibong nagpapasilita sa mga aktibidad ng investment promotion patungo sa Pilipinas.
Kasabay ng nasabing porum, idinaos din sa Xiamen ang“Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK),” isang programang pangkabuhayan ng Department of Trade and Industry para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nagtuturo sa kanila ng iba’t-ibang oportunidad na pangkabuhayan.
Kalahok sa TNK. Litrato: Embahada ng Pilipinas sa Beijing
Ulat:Rhio Zablan
Content-edit:Jade/Rhio
Audio-edit: Lito
Web-edit: Jade
Larawan: Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina; John Paul Inigo