Edukasyon, kalusugan at pagpapanumbalik ng ekonomiya-Mahahalagang Punto ng ika-6 na SONA ni Pangulong Duterte

2021-07-28 17:24:26  CMG
Share with:

Sa kanyang ika-6 at huling State-of-the-Nation Address (SONA), Hulyo 26, 2021, seryosohang inihayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga pagsubok na dinaanan at patuloy na dinaraanan, mga pag-unlad na natamo, at legasiyang iiwan ng kanyang administrasyon para sa mga mamamayang Pilipino.

 

Sinabi ni Pangulong Duterte, na bago pa man siya maging punong ehekutibo, alam na niya kung gaano kalaki at kagrabe ang mga problema ng Pilipinas.

 

Kaya naman, noong siya ay maging pangulo, agaran niyang isinulong ang implementasyon ng mga pagbabagong sa tingin niya ay kailangan ng bansa, dahil mayroon lamang siyang anim na taon upang ipatupad ang lahat ng ito.

 

Matatandaang sa kanyang unang SONA, maliwanag na inilatag ni Duterte ang direksyon ng kanyang adiministrasyon: isang komportableng pamumuhay sa bawat Pilipino, na nakasentro sa kapakanan ng mga mamamayan sa larangan ng kalusugan, libreng edukasyon, sapat na pagkain at disenteng tirahan, pangangalaga sa kalikasan, at pagsusulong ng respeto sa kultura.

 

Ang ulat na ito ay isang paglalagom sa kanyang huling SONA.

 

Edukasyon, kalusugan at pagpapanumbalik ng ekonomiya

 

Upang mapagaan ang pasanin ng masang Pilipino sa usapin ng edukasyon sa kolehiyo, sinabi ni Pangulong Duterte, na nakipagtulungan ang pamahalaan sa Kongreso upang maratipika ang “Universal Access to Quality Tertiary Education Act” noong 2017.

 

Ito aniya ang nagbibigay ngayon ng libreng edukasyon sa mga nasa kolehiyong mag-aaral sa mga unibersidad na pag-aari ng estado.

 

Dagdag pa riyan, isinabatas noong 2019 ang “Universal Health Care Act,” at bilang kaantabay, “pinirmahan ko ang Malasakit Centers Act noong 2019,” anang pangulo.

 

“Sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga Malasakit Center sa ibat-ibang dako ng bansa, nailatag natin ang pagkakapantay-pantay at naibigay natin sa mahihirap na kababayan ang pagkalingang medikal na nararapat sa kanila,” saad ni Duterte.

 

Diin pa niya, “magtatayo pa tayo ng mas marami.”

 

Pagdating naman sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), sinabi niyang bago ito manalasa, naitala ng Pilipinas ang pinakamababang debt-to-GDP ratio mula noong 1986, pinakamataas na revenue o kita mula noong 1997, pinakamataas na credit rating sa kasaysayan ng bansa, at pinakamababang unemployment, underemployment at bilang ng mahihirap.

 

“Walang duda, malakas ang pundasyon ng ating ekonomiya at pamamahala bago tumama ang pandemiya,” sabi ni Duterte.

 

Pero, sa pagtama ng COVID-19, ginawa aniyang priyoridad ng pamahalaan ang pagliligtas ng buhay ng mga Pilipino.

 

“Ibig sabihin, inuna natin iyong gastos – iyong pera natin [ay inilagay natin] sa pandemic… Iyon ang ginamit ninyo sa Bayanihan 1 at 2. Doon natin kinuha iyong pera,” kuwento ng punong ehekutibo.

 

“Sa pamamagitan ng mga prebentibo at responsibong pangkalusugan at pangkaligtasang hakbangin,” mabilis din aniyang kumilos ang pamahalaan upang protektahan ang mga Pilipino.

 

“Ang tibay at tatag ng ating pambansang sistemang pangkalusugan ay tunay na sinubok ng pandemiya. Di-mabilang na leksyon ang ating natutunan at [dahil sa mga ito], patuloy na isinasagawa ang mga pagpapanibago at pagpapabuti. Kahit anong krisis ay kayang malampasan, kung tunay na may malasakit at bayanihan,” pahayag ng pangulo.

 

Matatandaang sa mga unang yugto ng pandemiya, kulang na kulang ang Pilipinas sa kakayahan at kagamitan sa pagsusuri, pagkuwarentina, at panggagamot sa mga nahawahan.

 

Kaugnay nito, isang grupo ng mga ekspertong medikal ng Tsina ang ipinadala sa Pilipinas upang magbahagi ng kanilang kaalaman sa mga Pilipinong doktor at nars, at magdala ng mga kailangan-kailangang mga kagamitan at gamot noong panahong iyon.

 

Dagdag pa riyan, nasa 1 milyong dosis ng bakuna kontra COVID-19 ang libreng ibinigay ng Tsina sa Pilipinas.

 

Hinggil dito, sinabi ni Pangulong Duterte, na “nang tumama ang COVID-19, ang unang bansang tumulong sa Pilipinas ay Tsina.”

 

Sa oras ng kagipitan, sinabi ni Duterte, na tinawagan niya si Pangulong Xi Jinping ng Tsina upang humingi ng saklolo.

 

“Sabi ko, Ginoong Pangulo [Xi Jinping], wala kaming programa ng pagbabakuna dahil hindi kami nakagawa nito. Baka dumanas kami ng napakahirap na panahon. Sabi niya [Xi Jinping], walang problema, papadalhan ka namin,” kuwento ni Duterte.

 

Dagdag ng pangulo, malaki ang utang na loob ng Pilipinas sa Tsina.

 

Sa ngayon, mayroon nang 260 na akreditadong laboratoryo sa bansa na maaaring magsagawa ng mga 50,000 pagsusuri araw-araw.

 

Bukod diyan, lahat ng rehiyon ay may kakayahan na ring magsagawa ng sarili nilang pagsusuri.

 

Anang pangulo, mahigit 9,000 pansamantalang pasilidad na may kabuuang kapasidad na mahigit 140,000 ang naitayo para sa mga may mahinay at asimtomatikong kaso.

 

“Sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor, naitatag din ang malalaking pasilidad pangkuwarentina na kayang tumanggap ng maraming kaso,” aniya pa.

 

Anang pangulo, sa kasalukuyan, mahigit 30 milyong dosis na ng bakuna kontra COVID-19 ang natanggap ng Pilipinas, at inaasahang tataas pa ang bilang na ito sa mga 36 milyon ngayong Hulyo o Agosto.

 

Kaugnay nito, mga 17 milyong Pilipino ang nakatanggap na aniya ng bakuna, at sa mga ito, 11 milyon ang unang dosis.

 

Patuloy pang darating ang mga bakuna kada linggo, kaya, “nakiki-usap ako sa ating mga kababayang nasa listahan ng mga sektor na nakatakdang bakunahan na magpabakuna. Sa mga nakatanggap na ng unang dosis, paki-usap, bumalik kayo para sa ikalawang iniksyon” saad ni Duterte.

 

Sinabi ng punong ehekutibo, na hindi maaaring mabuhay ang mga Pilipino sa ilalim ng takot sa pandemiya, lalo na ngayong napatunayan na ng siyensiya at medisinang maaaring magapi ang virus o, mabuhay ng normal kahit mayroon pa nito.

 

Kaugnay nito, napapanahon na aniyang ilabas ang klaro, eksakto, at unipikadong mga alituntunin bilang antisipasyon sa pagdami ng bilang ng mga nababakunahan at unti-unting muling pagbubukas ng ekonomiya at lipunan.

 

Dagdag pa ng pangulo, “hindi na natin makakayanan ang mas marami pang lockdown, dahil papasok sa di-mababaligtad na pagkasira ang ating ekonomiya.”  

 

Ipinahayag din ng pangulo ang pag-asang huwag na sanang luamala pa ang pagkalat ng bagong delta strain ng coronavirus.

 

“Umaasa akong hindi na ito kakalat pa,” aniya.

 

Pagdating naman sa mga naapektuhang kabuhayan, sinabi ni Duterte na, makakaasa ang sambayanang Pilipinong gagawin niya ang lahat upang muli silang makaahon sa kahirapan.

 

“Pinirmahan ko na kamakailan ang isang executive order na nagtatayo  ng isang task force upang pangunahan ang National Employment Recovery Strategy,” diin ni Duterte.

 

Ang nasabing task force ay nakikipagtulungan ngayon sa Employer’s Confederation of the Philippines upang mai-implementa ang Reform, Rebound, and Recover Program, na naglalayong ipabakuna ang mga kuwalipikadong manggagawa para mai-deploy sa mahigit 1 milyong bakanteng trabaho.

 

Ani Duterte, ang mga trabahong ito  ay magmumula sa mga larangang tulad ng konstruksyon, information technology (IT), business process outsourcing (BPO), at electronics.

 

Isa pa aniyang mahalagang bahagi ng employment recovery strategy ay ang pagtuturo ng bagong kakayahan sa mga manggagawa upang maihanda sila sa mas mainam na oportunidad sa trabaho.

 

“Mula nang magsimula ang mga kuwarentina sa mga komunidad, mahigit 2 milyong indibiduwal na ang nakinabang sa libreng online training program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA),” pahayag ng pangulo.

 

Aniya pa, sa pamamagitan ng COVID-19 Assistance to Restart Enterprises (CARES), naibigay ang Php988 milyong halaga ng pautang sa mahigit 14,000 negosyo sa ilalim ng Bayanihan 1.

 

Sa ilalim naman aniya ng Bayanihan 2,“inilabas ang Php2.9 bilyong halaga ng pautang sa mahigit 12,000 enterprise, kabilang na ang mga apektadong Overseas Filipino Workers (OFW), [at mga] enterprise sa sektor ng turismo upang tulungan silang magsimula o isustena ang kanilang negosyo sa ilalim ng kalagayan ng pandemiya.”

 

Kaugnay nito, ipinanawagan ng pangulo sa Kongreso ang madaliang pagpasa sa mga pagbabago sa mga priority legislative measure na tulad ng Foreign Investment Act, at Retail Trade Liberalization Act.

 

Artikulo: Rhio

Edit: Jade 

 

 

Please select the login method