ASEAN Plus Three Cooperation sa gitna ng pandemiya ng COVID-19, palalakasin

2021-08-04 10:12:09  CMG
Share with:

ASEAN Plus Three Cooperation sa gitna ng pandemiya ng COVID-19, palalakasin_fororder_10+3  2

 

Idinaos Martes, Agosto 3, 2021, ang Ika-22 ASEAN Plus Three Foreign Ministers' Meeting, sa pamamagitan ng video link.

 

Lumahok dito ang mga ministrong panlabas mula sa sampung bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Tsina, Hapon, at Timog Korea.

 

Bilang tugon sa mga hamong dulot ng Coronavirus Diseases 2019 (COVID-19) at pagpapanumbalik ng kabuhayan, sang-ayon ang mga kalahok na ministrong panlabas na pahigpitin ng ASEAN Plus Three ang kooperasyon, at manangan sa pagbubukas at pagiging inklusibo, para magkakasamang mag-ambag para sa kaunlaran at kasaganaan ng rehiyon.

 

At upang malampasan ang pandemiya ng COVID-19 sa lalong madaling panahon, napagkasunduan din nilang ibayo pang palakasin ang kooperasyon sa pananaliksik at pagdedebelop (R&D) sa bakuna kontra COVID-19, magkakasamang pasulungin ang pagtatatag ng ASEAN Regional Reserve of Medical Supplies (RRMS) at ASEAN Plus Three Reserve of Medical Supplies for Public Health Emergencies, at patingkarin ang papel ng ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR).

 

Kasabay nito, ipinagdiinan ng mga kalahok na ministro ang pananangan sa multilateralismo at malayang kalakalan at para rito, pasusulungin nila ang pagkakabisa ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa lalong madaling panahon.

 

Samantala, pinayagan din nilang pasulungin ang kooperasyon sa mga bagong larangang gaya ng digital economy at pagbabago ng klima para suportahan ang berde at sustenableng pag-unlad ng rehiyon.

 

Sa kanya namang talumpati sa pulong, ipinangako ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina ang patuloy na pagsuporta ng bansa sa komunidad ng daigdig sa pagtugon sa COVID-19.

 

Ani Wang, 750 milyong dosis ng bakuna ang ipinagkaloob na ng Tsina sa mga bansang dayuhan at sa loob ng susunod na apat na buwan, 110 milyong dosis pa ang ibibigay ng Tsina sa COVAX.

 

Kasabay nito, sa susunod na tatlong taon, tatlong bilyong dolyares na pandaigdig na tulong bilang tugon sa COVID-19 ang ibibigay rin aniya ng Tsina.

 

Palalakasin  ng Tsina ang produksyon ng bakuna para walang patid na katigan ang pambansang programa ng inokulasyon ng iba’t ibang bansa, saad pa ni Wang.

 

Ipinahayag din ni Wang ang suporta ng Tsina sa integrasyong pangkabuhayan ng Silangang Asya.

 

Samantala, hinikayat niya ang maagang pagkakabisa ng RCEP para mapabilis ang integrasyong pangkabuhayan ng rehiyon.

 

Nakahanda aniya ang Tsina na palalimin ang kooperasyon sa ilalim ng mekanismo ng Lancang-Mekong Cooperation (LMC) at kooperasyon sa pagitan ng Tsina at Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA).

 

Suportado ani Wang ng Tsina ang pagbabago ng pamamaraan ng pag-unlad ng Silangang Asya, sa pamamagitan ng mga pragmatikong kooperasyon sa digital economy, artificial intelligence (AI), enerhiya, kanayunan at iba pa.

 

Dagdag pa riyan, nakahanda aniya ang Tsina na tangkilikin ang pagdaraos ng Porum ng mga Kabataang Siyentista ng ASEAN Plus Three.

 

Gustong ibahagi ng Tsina ang karanasan sa pagpapahupa ng karalitaan, dagdag pa ng ministrong panlabas na Tsino.

 

Higit pa rito, iminungkahi ni Wang na upang itatag ang sense of value ng Silangang Asya, kailangang magkakasamang sundin ng mga bansa sa rehiyon ang komong sense of value ng sangkatauhan na kinabibilangan ng kapayapaan, kaunlaran, pagkakapantay-pantay, katarungan, demokrasya, at kalayaan.

 

Salin: Jade

Pulido: Rhio

Please select the login method