Opisyal na isinumite ng Tsina ang kahilingan sa paglahok sa Comprehensive and Progressive Agreement for Trans-Pacific Partnership (CPTPP), ayon sa balita ng Ministri ng Komersyo na isinapubliko nitong Setyembre 16, 2021.
Ibinigay nang araw ring iyon, ni Wang Wentao, Ministro ng Komersyo ng Tsina, kay Damien O’Connor, Ministro sa Kalakalan ng New Zealand ang aplikasyon sa pamamagitan ng liham.
Nag-usap din sa telepono ng dalawang ministro kaugnay ng ibang gawain hinggil sa paglahok ng Tsina sa CPTPP.
Ang CPTPP ay kasunduang nilagdaan noong 2018 para sa malayang kalakalan sa pagitan ng 11 mga bansa. Kinakatawan ng mga bansang ito ang 13.4% ng global GDP na nagkakahalaga ng $13.5 trilyon. Ito ang isa sa pinakamalaking trade deal sa buong mundo. Ilan sa mga bansang kasali sa CPTPP ay Vietnam, Singapore, Canada, Australia at New Zealand.
Ang New Zealand ang tagapangalaga sa kasunduang CPTPP.
Salin:Sarah
Pulido:Mac