Inilabas nitong Lunes, Setyembre 27, 2021 ng pamahalaang Hapones ang panukalang estratehiya sa cyber security sa darating na tatlong taon, kung saan maliwanag na itinuturing, sa kauna-unahang pagkakataon, ang Tsina, Rusya at Hilagang Korea bilang banta sa “cyber” na usapin.
Kaugnay nito, inihayag kahapon ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na nagbulag-bulagan ang panig Hapones sa pundamental na katotohanan, walang batayan nitong binabatikos ang Tsina sa isyu ng cyber security, at pinalalaganap ang isyung “banta ng kapitbansa.”
Buong tatag aniyang tinututulan ng panig Tsino ang ganitong mga aksyon.
Saad ni Hua, pag-asa ng panig Tsino na malalimang pagnilay-nilayan ng panig Hapones ang sarili, at gawin ang mas maraming bagay-bagay na makakabuti sa pagpapahigpit ng pagtitiwalaang pulitikal sa mga kapitbansa, at kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Dagdag ni Hua, isasagawa ng panig Tsino ang kinakailangang hakbangin para ipagtanggol ang sariling cyber security, at buong tatag na tutugunan ang iba’t-ibang uri ng maling aksyon sa pagsasapulitika ng usapin cyber security.
Salin: Vera
Pulido: Rhio