Idinaraos ang Ika-2 United Nations Global Sustainable Transport Conference mula Oktubre 14 hanggang Oktubre 16, 2021, sa Beijing, Tsina. Layon nitong bigyan-diin ang kahalagahan ng sustenableng transportasyon para maisakatuparan ang 2030 Agenda for Sustainable Development.
Alinsunod sa naturang agenda, ang sustenableng transportasyon ay gumaganap ng pangunahing papel sa halos lahat ng 17 Sustainable Development Goals (SDGs), lalo na sa imprastruktura, seguridad ng pagkain, kalusugan, enerhiya at iba pa.
Sa okasyong ito, alamin natin ang mga proyektong may kinalaman sa sustenableng transportasyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
Nitong Miyerkules, Oktubre 13, 2021, ibinigay ng Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas sa Davao City ang apat na ambulansiya at anim na van, para suportahan ang Davao City sa laban nito kontra pandemiya ng COVID-19.
Kaugnay ng pagtutulungang Pilipino-Sino sa Davao, maalwang isinasagawa ang mga proyekto na gaya ng Davao River Bridge, Davao City-Samal Island Bridge, at unang yugto ng Davao Expressway.
Sa pahayag naman ni Emil K. Sadain, Undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nitong Oktubre 8, 2021, mahigit 80% na ang natapos sa konstruksyon ng proyektong Binondo-Intramuros Bridge sa Pasig River, at may posibilidad itong buksan sa unang kuwarter ng 2022.
Ang Tulay Binondo-Intramurus ay itinuturing na isa sa mga flagship infrastructure projects sa ilalim ng Build, Build, Build program na may Official Development Assistance (ODA) mula sa Tsina. Hindi lamang mababawasan nito ang panahon ng biyahe sa pagitan ng Intramuros at Binondo sa Manila, kundi makikinabang din dito ang humigit-kumulang sa 30,000 sasakyan kada araw.
Nauna rito, noong Hulyo 29, 2021, nagbukas ang Estrella-Pantaleon Bridge sa Pasig River, isa pang proyektong may ayudang Tsino. Bunga ng inagurasyon ng tulay na ito, iikli sa 10 minuto ang tagal ng pagbiyahe sa pagitan ng Makati City at Mandaluyong City.
Bukod sa naturang dalawang tulay sa Pasig River, pirmado na ang kontratang komersyal at pinag-uusapan ang hinggil sa pagpapautang sa Three Priority Bridges.
Kasama ng mga ito ang North and South Harbor Bridge sa daungan ng Manila, Eastbank-Westbank Bridge na mag-uugnay ng Pasig City at Cainta City sa Metro Manila sa ibabaw ng Manggahan Floodway, at Palanca-Villegas Bridge sa Pasig River.
Ang disenyo ng North and South Harbor Bridge
Ang disenyo ng Eastbank-Westbank Bridge
Ang disenyo ng Palanca-Villegas
Ang nasabing limang tulay ay bahagi ng kabuuang proyekto ng konstruksyon ng 12 tulay sa Pasig-Marikina River at Manggahan Floodway sa Metro Manila. Layon nitong pabutihin ang network ng mga lansangan at palakasin ang kapasidad ng transportasyon sa NCR ng Pilipinas.
Samantala, nakatakdang matapos ngayong taon ang Philippine-Sino Center for Agricultural Technology (PhilSCAT)-Technical Cooperation Program (Phase III). Ang ika-3 yugto ng programang ito na pinasinayaan noong 2018 ay naglalayong mapataas ang produksyon ng palay ng Pilipinas sa pamamagitan ng pamomodernisa ng PhilSCAT hybrid rice technology research and demonstration center.
Patnugot: Jade
Pulido: Mac
Larawan: Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas