Nagtagpo nitong Linggo, Oktubre 31, 2021 sa Roma, Italya sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika.
Saad ni Wang, nitong nakalipas na ilang taon, dahil sa maling patakaran ng panig Amerikano at pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina, malubhang nasira ang normal na pagpapalitan ng dalawang bansa.
Aniya, ang mga kilos ng Amerika ay di-angkop sa kapakanan ng mga mamamayang Tsino’t Amerikano, pananabik ng komunidad ng daigdig, at agos ng panahon.
Malinaw aniya itong tinututulan ng panig Tsino.
Ani Wang, sa kanilang dalawang beses na pag-uusap sa telepono, nagkaisa ng palagay ang mga lider ng dalawang bansa na dapat simulan muli ang diyalogo, at iwasan ang komprontasyon.
Dapat aniyang ipatupad ng kapuwa panig ang komong palagay ng mga lider, at gawin ang paghahanda para sa pagpapalitan sa susunod na yugto.
Tinukoy pa niyang ang isyu ng Taiwan ay pinakasensitibong isyu sa pagitan ng Tsina at Amerika.
Hinihimok aniya ng panig Tsino ang panig Amerikano na pag-aralan ang malubhang pinsala ng pagsusulong ng umano’y “pagsasarili ng Taiwan,” at ipatupad ang patakarang Isang Tsina, sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon.
Inulit naman ni Blinken ang patuloy na mananangan ang panig Amerikano sa patakarang Isang Tsina.
Nakahanda aniyang panatilihin ng Amerika ang pakikipag-ugnayan sa Tsina, responsableng kokontrolin ang alitan, iiwasan ang komprontasyon, at panunulsol ng krisis.
Bukod dito, nagpalitan ng kuru-kuro ang kapuwa panig hinggil sa mahahalagang paksang gaya ng pagbabago ng klima, suplay ng enerhiya, isyung nuklear ng Iran, kalagayan ng Korean Peninsula, isyu ng Myanmar, Afghanistan at iba pa.
Sang-ayon silang panatilihin ang diyalogo sa pagharap sa iba’t-ibang hamong pandaigdig.
Salin: Vera
Pulido: Rhio