Si Jennifer ay batang kalye, “homeless” na sumisilong sa isang barong-barong sa isang plaza sa Sta. Mesa, Maynila. Siya ay isa lamang sa milyon-milyong kabataang apektado ng karalitaan sa Pilipinas.
Upang tulungan ang mga bata, kabataan at batang-ina, inilunsad ng Ateneo Center for Educational Development (ACED) ang feeding program. Sa kasalukuyan, 3,500 kabataan at 600 batang ina ang lingguhang tumatanggap ng vegetable food packs mula sa ACED.
Ito ang paraan ng ACED upang labanan ang gutom, malnutrisyon at pangalagaan ang kalusugan at mabuting paglaki ng mga sanggol.
Ayon sa datos ng Social Weather Station nitong Disyembre 2020, 16% ng self-rated hunger ang nakakaapekto sa apat na milyong pamilya sa Pilipians. Sa bilang na ito, pinaka-apektado ang mga sanggol at bata.
Sa poster ng ACED, makikita rin ang batang ina na si Jenilyn at ang kanyang anak na lalaki na si Khaizer. Bukod sa food packs, pinapadalhan din siya ng ACED ng gatas at baby food.
Ngayong taon, target ng ACED na paabutin sa 10,000 ang mga beneficiary.
Ang food program ng ACED ay ambag sa mga gawain upang paliitin ang agwat ng kahirapan sa Pilipinas. Hangad din nila na pabutihin ang kalidad ng pamumuhay sa bansa sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga programa ng pampublikong paaralan sa bansa.
Sa halagang P90 ay maaaring makakain ang isang beneficiary family sa loob ng isang linggo. Samantala, ang donasyong P360 ay para sa isang buwang suplay ng food packs at para sa 10 buwan, ang donasyon ay nagkakahalaga ng P3,600.
Makipag-ugnayan lamang sa ACED kung nais tumulong.
Ulat: Machelle Ramos
Panugot sa web: Jade
Espesyal na pasasalamat kay Fr. Bienvenido F. Nebres