Tatlong prinsipyo, apat na priyoridad para sa ugnayang Sino-Amerikano, iniharap ni Xi

2021-11-16 14:10:13  CMG
Share with:

Tatlong prinsipyo, apat na priyoridad para sa ugnayang Sino-Amerikano, iniharap ni Xi

 

Tatlong prinsipyo at apat na priyoridad ang iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina para mapasulong ang ugnayang Sino-Amerikano.

 

Ang naturang mga mungkahi ay inilahad ni Xi sa kanyang pakikipag-usap kay Pangulong Joe Biden ng Amerika sa pamamagitan ng video link na ginanap ngayong umaga (Beijing/Manila time), Martes, Nobyemre 16, 2021.

 

Ani Xi, batay sa mga karanasan at aral na natamo sa pagpapasulong ng relasyong Sino-Amerikano, dapat manangan ang dalawang bansa sa tatlong prinsipyo sa bagong panahon.

 

Una, kailangang maggalangan sa isa’t isa, sa sistemang panlipunan, landas ng pag-unlad, mga nukleong interes na binibigyan ng pinakamalaking malasakit, at karapatan ng pag-unlad, para kontrolin at pangasiwaan ang pagkakaiba at maghanap ng mapagkakasunduan, batay sa pagkakapantay.  

 

Pangalawa, kailangang mapayapang makipamuhayan. Para rito, kailangang manangan ang dalawang bansa sa bottom line na walang komprontasyon at walang salungatan.

 

Pangatlo, kailangang isakatuparan ang win-win na kooperasyon. Malalim ang integrasyon ng mga kapakanan ng Tsina’t Amerika. Kung magtutulungan, parehong makikinabang. Kung magsasalungatan, parehong mapipinsala. Kailangang hayaan ng dalawang bansa ang sarili, maging ang komong pag-unlad.

 

Diin ni Xi, kailangan ding pasulungin ng Tsina’t Amerika ang apat na priyoridad.

 

Una, kailangang tupdin ang obligasyon bilang malalaking bansa at manguna sa pandaigdig na kooperasyon bilang tugon sa mga namumukod na hamon. Sa aspektong ito, hindi maaari kung walang kooperasyong Sino-Amerikano. Bukas sa Amerika ang lahat ng mga pandaigdig na inisyatiba na iniharap ng Tsina. Umaasa rin ang Tsina ng katulad na pagbubukas mula sa panig Amerikano.

 

Pangalawa, pasulungin ang pagpapalitan sa iba’t ibang lebel at iba’ t ibang larangan, batay sa pagkakapantay at mutuwal na kapakinabangan. Malawak ang komong interes ng Tsina’t Amerika sa sektor ng kabuhayan, enerhiya, militar, pagpapatupad ng batas, edukasyon, siyensiya’t teknolohiya, Internet, pangangalaga sa kapaligiran, pamahalaang lokal, at iba pa. Maaaring samantalahin ng dalawang bansa ang tsanel ng diyalogo at mekanismo sa diplomasiya, kaligtasan, kabuhaya’t kalakalan, pinansya, at pagbabago ng klima para matulak ang mga pragmatikong kooperasyon at malutas ang mga praktikal na problema.

 

Pangatlo, kontrolin at pangasiwaan ang alitan at sensitibong isyu, sa pamamagitan ng paraang konstruktibo para iwasan ang paglihis at kawalan ng kontrol sa relasyong Sino-Amerikano. Natural na may pagkakaiba ang Tsina’t Amerika at ang susi ay kailangang iwasan ang paglawak at paglubha ng mga ito. Umaasa rin ang Tsina na maayos na hahawakan ng panig Amerikano ang mga isyung may kinalaman sa soberanya, kaligtasan at kaunlaran ng Tsina.

 

Pang-apat, palakasin ang koordinasyon at kooperasyon sa mga pangunahin at maiinit na isyung pandaigdig at panrehiyon. Para rito, kailangang magkaloob ng mas maraming produktong pampubliko para sa daigdig.

 

Inihahambing ni Xi ang Tsina’t Amerika bilang dalawang higanteng bapor na naglalayag sa karagatan. Aniya, hindi dapat ang mga ito lumihis, tumigil sa pag-andar o magbanggaan.

 

Tatlong prinsipyo, apat na priyoridad para sa ugnayang Sino-Amerikano, iniharap ni Xi

 

Ipinahayag naman ni Biden, na ang relasyong Amerikano-Sino ay ang pinakamahalagang bilateral na ugnayan sa daigdig. Bilang dalawang malalaking bansa, kapuwa ang Amerika at Tsina ay may responsibilidad sa mga mamamayan ng dalawang bansa at buong daigdig.

 

Kailangan aniyang palakasin ng magkabilang panig ang pag-uunawaan sa pamamagitan ng mataimtim na pag-uusap. Layon nitong tiyaking makatwiran at malusog ang kompetisyon ng dalawang bansa, sa halip na mauwi sa komprontasyon.

 

Sinang-ayunan ni Biden si Pangulong Xi na nagsasabing maaari lamang bumuti ang relasyong Sino-Amerikano sa halip na sumama.

 

Dagdag pa ni Biden, mahigit 5,000 taon na ang sibilisasyong Tsino. Inulit niya ang paninindigan ng panig Amerikano na wala itong balak na baguhin ang sistema ng Tsina, hindi rin nito balak labanan ang Tsina sa pamamagitan ng pagpapalakas ng alyansang Amerikano. Wala aniyang intensyon ang Amerika na makipagkomprontasyon sa Tsina.

 

Muling ipinahayag din ni Biden ang pananangan ng pamahalaang Amerikano sa prinsipyong isang-Tsina. Hindi aniya suportado ng panig Amerikano ang di-umano’y pagsasarili ng Taiwan at umaasang mananatiling mapayapa at matatag ang kalagayan ng Taiwan Strait.

 

Sang-ayon din si Biden na kailangang maggalangan, at mapayapang makipamuhayan ang dalawang bansa. Kasabay nito, palalakasin ang komunikasyon, babawasan ang di-pagkakaunawaan at reresolbahan ang alitan sa pamamaraang konstruktibo.

 

Napagkasunduan din ng dalawang pangulo na palakasin ang pagtutulungang may komong interes at magkasamang harapin ang mga pandaigdig na hamon na gaya ng COVID-19 at pagbabago ng klima.

 

Palagay rin ng dalawang lider, dapat pahigpitin ang pagpapalitan ng mga batang henerasyon ng Tsina’t Amerika para mapalalim ang pag-uunawaan at makapag-ambag para sa mas magandang daigdig.

 

 

Salin: Jade

Pulido: Mac 

Please select the login method