“Treaty on Open Skies,” tinalikuran ng Rusya

2021-12-19 13:31:48  CMG
Share with:

Isiniwalat ng proklamasyong inilabas Sabado, Disyembre 18, 2021 ng Ministring Panlabas ng Rusya ang pormal na pagtalikod ng bansa sa “Treaty on Open Skies.”

Ayon sa proklamasyon, dapat isabalikat ng Amerika ang lahat ng responsibilidad sa sapilitang pagtalikod ng Rusya sa naturang kasunduan.

Layon ng unilateral na pagsira ng Amerika sa “Treaty on Open Skies” na sulsulan ang “arms race,” anang proklamasyon.

Bukod pa riyan, binalik-tanaw ng proklamasyon ang kalagayan ng pagpapatupad ng panig Ruso sa nasabing kasunduan nitong 20 taong nakalipas.

Anito,  mabisa at mabunga ang pagpapatupad ng Rusya sa nasabing kasunduan, at ito ay nagpapakitang ang nasabing kasunduan ay mabuting kagamitan para sa pagpapalakas ng pagtitiwalaan at seguridad sa pagitan ng mga signataryong bansa.

Ang “Treaty on Open Skies”  ay nakalikha ng mas maraming pagkakataon para sa obdiyektibo at pantay na pagtasa sa potensyal na puwersa at aktibidad na militar ng mga kalahok na bansa, dagdag ng proklamasyon.

Ngunit, ang kasunduang ito, anang proklamasyon ay biktima ng panloob na pulitika  ng Amerika.

Ang naunang pagtalikod ng Amerika sa kasunduang ito noong nakaraang taon ay nakakasira sa kapakanan ng iba’t-ibang bansa, at maaaring maging mitsa ng pagbagsak ng sistema ng “Treaty on Open Skies,” saad ng proklamasyon.

Anito pa, iginagalang ng panig Ruso ang kapasiyahan ng iba pang mga signataryong bansa sa patuloy na pagtalima sa kasunduang ito.

Umaasa ang panig Ruso na magkakaroon ng konstruktibo at mabisang kooperasyon ang iba’t-ibang panig, anang proklamasyon.

Matatandaang noong Mayo ng nagdaang taon, binatikos ni dating Pangulong Donald Trump ng Amerika ang Rusya sa paglabag sa “Treaty on Open Skies.”

Noong Nobyembre ng taong 2020, pormal na tumalikod ang Amerika sa nasabing kasunduan.


Salin: Lito
Pulido: Rhio

Please select the login method