Mas mabuting relasyon at kooperasyon ng Tsina at Pilipinas, inaasahan nina Xi at Duterte

2022-04-08 20:10:53  CMG
Share with:

Nag-usap sa telepono, Abril 8, 2022, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas.

 

Sinariwa ni Xi ang pagdalaw ni Duterte sa Tsina noong Oktubre 2016. Tinawag niya itong "biyehang bumasag ng yelo," na napakahalaga sa kasaysayan ng relasyong Sino-Pilipino.

 

Tinukoy ni Xi, na sa loob ng nakaraang 6 na taon, iginigiit ng dalawang bansa ang magkapitbansang pagkakaibigan at pagtutulungan, maayos na hinahawakan ang mga pagkakaiba, magkasamang hinahanap ang komong pag-unlad.

 

Sa gayon aniya, inalis ang mga hadlang sa relasyong Sino-Pilipino, at nakikita ang masiglang pag-unlad ng relasyong ito. Itinatag ng dalawang bansa ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong relasyon, pinalalalim ang koordinasyon ng Belt and Road Initiative at Build Build Build program, magkasamang pinasusulong ang mga proyektong pangkooperasyon sa imprastruktura at iba pang aspekto, at isinakatuparan ang pagdoble ng halaga ng bilateral na kalakalan, saad ni Xi.

 

Dagdag ni Xi, sa harap ng pandemiya ng COVID-19, nagkakaisa at nagtutulungan ang Tsina at Pilipinas, para pangalagaan ang kalusugan ng kani-kanilang mga mamamayan, at panatilihin ang katatagan ng rehiyonal na industrial at supply chain. Sa pamamagitan aniya naman ng maayos na paghawak ng isyu ng South China Sea, nagkakaloob ang dalawang bansa ng matibay na pundasyon para sa pagkakaibigan at pagtutulungan, at nagbibigay din ng ambag para sa kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito.

 

Binigyang-diin ni Xi, na matatag at tuluy-tuloy ang mga patakaran ng Tsina tungo sa Pilipinas, at inaasahan ng Tsina ang patuloy na pagbuti at pagtaas sa bagong lebel ng relasyon ng dalawang bansa.

 

Nakahanda rin aniya ang Tsina, na patuloy na magkaloob ng mga bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas batay sa pangangailangan nito, palawakin ang kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, edukasyon, at kultura, angkatin ang mas maraming produkto mula sa Pilipinas, at hikayatin ang mas maraming bahay-kalakal na Tsino na mamuhunan sa Pilipinas.

 

Binigyang-diin din ni Xi, na muling ipinakikita ng kasalukuyang kalagayan ng daigdig, na ang rehiyonal na seguridad ay hindi dapat umasa sa pagpapalakas ng alyansang militar. Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng Pilipinas at ibang mga bansa sa rehiyong ito, na igiit ang ideya ng komon, komprehensibo, kooperatibo, at sustenableng seguridad, panatilihin ang kapayapaan at katatagan sa rehiyong ito, at pasulungin ang pagbuo ng komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.

 

Ipinahayag naman ni Pangulong Duterte, na nitong 6 na taong nakalipas, sa pamamagitan ng magkasamang pagsisikap ng kapwa panig, lumalalim ang pagkakaibigan ng mga mamamayang Pilipino at Tsino, lumalakas ang relasyon ng dalawang bansa, dumarami ang bunga ng kanilang kooperasyon, at tunay na nakikinabang ang mga Pilipino sa kooperasyon ng dalawang bansa.

 

Sinabi ni Duterte, na ang Tsina ay tunay at mapagkakatiwalaang kaibigan ng mga Pilipino, at pinasalamatan niya ang Tsina sa pagkakaloob ng mga bakuna sa Pilipinas at pagbibigay-tulong sa mga Pilipinong apektado ng mga bagyo.

 

Ipinahayag ni Duterte ang kahandaan ng Pilipinas, kasama ng Tsina, na patatagin ang pagkakaibigan at pagtutulungan, ibayo pang palakasin ang bilateral na relasyon, at pasulungin ang kooperasyon sa paglaban sa COVID-19, kalakalan, imprastruktura, turismo, edukasyon, at iba pa.

 

Umaasa rin aniya siyang maayos na hahawakan ng Pilipinas at Tsina ang isyu ng South China Sea, para lumikha ng modelo ng mapayapang paglutas sa pagkakaiba, at panatilihin ang kapayapaan at katatagan sa rehiyong ito.


Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos