Komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at Serbia, isusulong pa

2022-04-10 14:37:45  CRI
Share with:

Sa pamamgitan ng telepono, nag-usap nitong Sabado, Abril 9, 2022 sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Minsitrong Panlabas ng Tsina, at Nikola Selaković, Ministrong Panlabas ng Serbia.


Ipinaabot muna ni Selaković ang taos-pusong pagbati ni Pangulong Aleksandar Vučić kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina.


Ani Selaković, ipinagmamalaki ng kanyang bansa ang malalim na tradisyonal na pagkakaibigan at komprehensibo’t estratehikong partnership ng Serbia at Tsina.


Pinasasalamatan aniya ng Serbia ang ibinibigay na suporta ng panig Tsino sa Serbia sa pangangalaga sa nukleo nitong kapakanan.


Buong tatag ding sinusuportahan ng Serbia ang Tsina sa pangangalaga sa soberanya at kabuuan ng teritoryo nito, at tinututulan ang anumang kilos na naglalayong paghiwalay-hiwalayin ang bansa, diin niya.


Sinabi pa niyang aktibong nakikilahok ang mga bahay-kalakal na Tsino sa konstruksyong pambansa ng Serbia at ito ay nagsusulong sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Serbia.


Nakahanda ang Serbia na pagtibayin kasama ng Tsina, ang   pagkakaibigan upang magkasamang harapin ang mga hamon, dagdag pa niya.


Ipinahayag naman ni Wang ang kahandaan ng panig Tsino na pabilisin ang pagpapatupad ng mga mahalagang komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa.


Ani Wang, dapat lagdaan ng kapuwa panig ang kasunduan ng malayang kalakalan sa lalong madaling panahon upang ibayo pang mapasigla ang kooperasyon at matulungan ang Serbia sa ibayo pang pagpapataas ng kakayahang kompetitibo nito.


Samantala, ipinalalagay ng kapuwa panig na napapanahon at kinakailangan ang kanilang pag-uusap.


Patuloy at buong tatag anilang susuportahan ang isa’t-isa upang mapasulong pa ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa.


Salin: Lito

Pulido: Rhio