Kuwento ng Yixing

2022-04-12 20:43:56  CRI
Share with:


Ang Zisha o Luwad ng Yixing na kilala rin bilang boccaro/buccaro ay isang espesyal na lupa na nakikita lang sa rehiyong malapit sa lungsod ng Yixing sa Probinsyang Jiangsu ng Tsina.

 


May limang kulay ang luwad ng Yixing - puti, dilaw, berde, pula at lila, at may halong kaolin, quartz, mica, at mayaman sa iron oxide. Ang hitsura ng mga produkto ng Yixing, tulad ng kulay o texture nito, ay puwedeng pagyamanin at baguhin sa pamamagitan ng pagdaragdag ng iba't ibang mga metal oxide sa luwad, at pagmamanipula ng mga temperatura sa loob ng pugon, pagkaraan ng mahabang proseso ng paghahanda at 1100-1200 °C na pagpapainit at pagpapatigas. Ang mabuhanging luwad ay naging matigas na bagay na may kinang ng metal or jade.

 

Bukod sa kahanga-hangang itsura, ang isa pang katangian ng Yixing Teapot ay, sinisipsip nito ng mga bakas o bango ng inumin, at lumilikha ng mas kumplikadong lasa. Para mapatili ang natatanging lasa, bawal na bawal hugasan ang Yixing tea ware gamit ang detergent at inirerekomenda ng mga eksperto na dapat hiwalay ang sisidlan ng tsaa, isa para sa isang uri ng tsaa gaya ng puti, berde, oolong, itim, o puer, at huwag paghalu-haluin. At isa pang nakakabilib na katangian ng Yixing Tea ware ay dahil sa mainam na breathability, puwedeng panatilihin ng Yixing teaware ang pagiging sariwa ng tsaa ng 24 oras, at walang pagbabago ang lasa ng unang tasa at huling tasa.

 

Ika-13 siglo nang sinimulan ng mga Tsino ang paggawa ng tea ware at ibang kagamitan kasama ng luwad ng Yixing, at dahil sa mabuting plasticity nito, lumitaw ang maraming kilalang master sa paggawa ng mga produktong Yixing, ang lahat ng elemento sa kalikasan, alamat, kasaysayan, tula ay naging inspirasyon nila at naisagawa ang maraming marikit na produktong Yixing na may iba’t ibang porma. Hindi lang basta tea pot o flower pot o lalagyan ang mga ito, kundi isang mahalagang likhang sining.

 

Mula noong 2005, para mapangalagaan ang natural na lugar na mapagkukunan ng luwad na Yixing, itinigil ng pamahalaan ang pagkuha ng luwad ng Yixing at naging lalo pang mahal ang mga produktong Yixing.


Tagasulat: Sissi


Pulido: Mac