Kaugnay ng konsultasyon hinggil sa Indo-Pacific ng Amerika at Britanya nitong Marso, at kanilang pagtalakay kung paano sila magtutulungan upang bawasan ang tsansa ng digmaan para sa Taiwan, idiniin nitong Huwebes, Mayo 5, 2022 ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang isyu ng Taiwan ay nabibilang sa suliraning panloob ng Tsina at walang kapangyarihan ang anumang bansang makialam sa usaping ito.
Sinabi pa niyang dapat maingat na hawakan ng Amerika at ibang mga may kinalamang bansa ang mga isyung may kinalaman sa Taiwan.
Idiniin ni Zhao na ang kasalukuyang tensyon sa Taiwan Straits ay sanhi ng mga pananalita at kilos ng mga awtoridad sa Taiwan na nagsusulong ng pagsasarili.
Sinabi pa ni Zhao na ang ilang tauhan ng panig Amerikano ay kumakatig sa naturang pananalita at kilos. Ito aniya ay nakakapinsala sa katatagan at kapayapaan ng Taiwan Straits.
Hinimok ni Zhao ang Amerika at ibang mga may kinalamang bansa na dapat itigil ang pakikialam sa suliraning panloob ng Tsina at sundin ang patakarang isang Tsina.
Salin: Ernest
Pulido: Mac