Sa katatapos na Summit ng Quadrilateral Security Dialogue (QUAD) na idinaos sa Tokyo ng Hapon, nagtangkang pasulungin ng Hapon ang QUAD bilang isang koalisyong militar na tulad ng North Atlantic Treaty Organization (NATO).
Kahit hindi nabanggit ang Tsina sa pahayag ng QUAD pagkatapos ng nasabing Summit, malinaw ang plano ng Hapon sa pagpapasulong, kasama ng Amerika, ng komprontasyon sa Tsina.
Para sa Hapon, umaasa itong sa pamamagitan ng QUAD at pagsasagawa ng komprontasyon sa Tsina, muling magkakaroon ito ng kapangyarihan sa paglunsad ng digmaan na ipinagbawal ng konstitusyon ng Hapon pagkatapos ng World War II.
Hindi kailanman taos-pusong inamin ng Hapon ang mga kasalanan nito noong World War II at hindi humingi ng paumanhin sa mga bansang Asyano at kanilang mga mamamayan na sinalakay ng Hapon noong panahon ng digmaan.
Kaya ang tangka ng Hapon na alisin ang limitasyon ng konstitusyon nito sa paglulunsad ng digmaan ay nagpapasigla sa muling pagsibol ng militarismo ng Hapon.
Hindi ito makakabuti, di lamang sa kapakanan ng mga mamamayang Hapones, kundi sa kapayapaan at katatagan ng buong Asya.
Salin: Ernest
Pulido: Mac