PBBM at Pangalawang Pangulong Wang Qishan ng Tsina, nagtagpo

2022-07-01 14:17:24  CMG
Share with:

 

Nagtagpo Huwebes, Hunyo 30, 2022 sa Maynila sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Wang Qishan ng Tsina.

 

Bilang espesyal na kinatawan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, dumalo si Wang sa inagurasyon ni Pangulong Marcos na idinaos sa Pambansang Museo nang araw ring iyon.

 

Sa kanilang pagtatagpo, inabot ni Wang kay Pangulong Marcos ang liham na pambati ni Pangulong Xi.

 

Sinabi rin ni Wang, na ang Pilipinas ay laging nasa unang puwesto ng patakarang pandiplomasya ng Tsina sa mga karatig na bansa at rehiyon.

 

Aniya, nakahanda ang panig Tsino na ibayo pang palawakin, kasama ng Pilipinas ang aktuwal na kooperasyon, at maayos na hawakan ang mga hidwaan para magkasamang pangalagaan ang katatagan at kapayapaan ng South China Sea (SCS).

 

Kasama ang bagong pamahalaan ng Pilipinas, umaasa siyang makakamit ng relasyong Sino-Pilipino ang bagong "Ginintuang Panahon."

 

Taos-puso namang tinanggap ni Pangulong Marcos ang pagdalaw ni Wang, at sinabing "ang mainam na relasyon ng Pilipinas at Tsina ay angkop sa pundamental na kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa."

 

Sinabi pa niyang nakahanda ang Pilipinas na malalimang lumahok sa magkasamang konstruksyon ng "Belt and Road" Initiative, at pasulungin ang relasyon ng dalawang bansa sa bagong antas.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio