CMG Komentaryo: Walang karapatang magsalita ang Britanya tungkol sa Hong Kong

2022-07-03 13:59:21  CRI
Share with:

Sa okasyon ng ika-25 anibersaryo ng pagbalik ng Hong Kong sa Inangbayan, magkahiwalay na ipinalabas nina Punong Ministro Boris Johnson at Ministrong Panlabas Liz Truss ng Britanya ang talumpati at pahayag na nagsasabing sa ilalim ng “Magkasanib na Pahayag ng Tsina at Britanya,” mayroon pa ring “historikal na responsibilidad” ang Britanya sa mga residente ng Hong Kong.

 

“Hindi maaaring pababayaan ang Hong Kong,” anila pa.

 

Ito ay nangangahulugang hindi nila matanggap ang katotohanang humina na ang kanilang dating kolonyalistang kapangyarihan.

 

Ginagamit ng ilang politikong Britaniko ang “Magkasanib na Pahayag ng Tsina at Britanya” bilang umano’y batayan ng panghihimasok sa mga suliranin ng Hong Kong.

 

Ngunit batid ng mga taong may dunong sa kasaysayan ng lugar na ang nukleong nilalaman ng nasabing magkasanib na pahayag noong Disyembre ng 1984 ay lutasin ang isyu ng pagbalik ng soberanya ng Hong Kong sa Inangbayan.

 

Makaraang bumalik ang Hong Kong sa Tsina noong Hulyo 1, 1997, natapos na ang lahat ng kaukulang karapatan at obligasyon ng Britanya.

 

Ang Saligang Batas ng Hong Kong ay batayan ng pangangasiwa ng pamahalaang sentral sa Hong Kong at hindi ang “Magkasanib na Pahayag ng Tsina at Britanya.”

 

Ibig sabihin, walang anumang karapatan ang Britanya sa Hong Kong matapos ang pagbalik nito sa Tsina.

 

Hinggil dito, tinukoy ni Martin Jacques, kilalang iskolar ng Britanya, na sa kabila ng pormal na pagbalik ng Hong Kong sa Tsina, hindi rin tunay na iginagalang ng Britanya ang soberanya ng Tsina sa lugar, at hindi rin matanggap ng Britanya ang katotohanang hindi na ito isang super power.

 

Nitong 25 taong nakalipas sapul nang bumalik ang Hong Kong sa Inangbayan, natamo nito ang kapansin-pansing bunga.

 

Nakamit ng patakarang “Isang Bansa, Dalawang Sistema” ang napakalaking tagumpay sa Hong Kong.

 

Sa kasalukuyang Hong Kong, nagiging pangunahing pagkakasundo ang pagmamahal sa bansa at Hong Kong.

 

Wala na ngayong espasyo sa Hong Kong ang masamang impluwensya ng dating kolonista.


Salin: Lito

Pulido: Rhio