Isyung kinakaharap ng administrasyong Marcos, tinalakay: ilang eksperto, naghayag ng mungkahi

2022-07-13 14:55:36  CMG
Share with:

Sa pamamagitan ng online porum na “Global Risks facing the Marcos Presidency: Rising Prices Worldwide, US-China Tensions, Ukraine-Russia Conflict, SCS Disputes,” tinalakay Hulyo 12, 2022 ng ilang ekspertong tulad nina Dr. Dan Steinbock, Tagapagtatag ng pandaigdigang think-tank na Difference Group; Propesor Bobby Tuazon, Political Analyst ng University of the Philippines (UP) at Center for People Empowerment in Governance (CenPEG); at George Siy, Economic Analyst at Direktor ng Integrated Development Studies Institute (IDSI) ang mga isyung kinakaharap ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Dan Steinbock, hindi mainam ang kasalukuyang kondisyon ng globalisasyong pangkabuhayan, at ang sigalot ng Rusya at Ukraine ay nagpapabilis sa paglaganap ng heopolitika, at kakulangan sa enerhiya at pagkain.


Dr. Dan Steinbock


Ang mga ito aniya ay nagiging dahilan sa pagtaas ng implasyon na malaking nakaka-apekto sa daigdig, lalung lalo na sa mga mamamayan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Ang ASEAN aniya ay binubuo ng mga emerging market at developing economy (EMDE), na kadalasa’y taga-angkat ng mga produkto at serbisyo, kaya naman ang ang pagtaas ng presyo ng enerhiya at pagkain dahil sa implasyon ay may malaking negatibong epekto sa mga taga-ASEAN, kabilang na ang mga Pilipino.

Para masolusyonan ito, sinabi niyang “sa tingin ko, ang kailangan ng Pilipinas ay isang indipendiyenteng polisiyang panlabas, na pangunahing nakatuon sa pagpapabuti ng pambansang interes, at mahigpit na koordinado sa ASEAN.”

Marami aniyang pagkakapareho ang interes ng Pilipinas sa iba pang bansang ASEAN, at sa pamamagitan ng ASEAN, magkakaroon ng mas malakas na boses ang Pilipinas sa pagsusulong ng mga internasyonal na polisiyang makakabuti sa sarili at buong ASEAN.

Sinabi pa ni Steinbock, na tama ang ideya ni Pangulong Ferdinand“Bongbong”Marcos Jr. na sumunod sa prinsipyo ng independiyenteng polisiyang panlabas, dahil ito ay mainam na paraan upang makapagtayo ng “upper middle-income economy” na makakabuti sa mga Pilipino.

“Ang tanging paraan para makamtan ito ay sa pamamagitan ng kapayapaan: kapag may kapayapaan, maitatayo ang istabilidad, at kapag may istabilidad ay maitatatag ang pag-unlad. Ang anumang kaguluhan ay makakasira sa layuning ito, na maaaring magresulta sa situwasyong kagaya sa Ukraine. At ito ay kailangang iwasan sa lahat ng paraan,” paliwanag niya.

Samantala, sinabi naman ni Bobby Tuazon, na ang Taiwan ay kabilang sa nukleong interes ng Tsina.

Ang problema aniya ay nagmumula sa mga probokatibong aksyon ng Amerika, na tulad ng pagbebenta ng mga kagamitang militar ng Amerika sa Taiwan, na malinaw na labag sa prinsipyong isang Tsina.

Propesor Bobby Tuazon


Kung magkakaroon aniya ng hindi magandang insidenteng may-kaugnayan sa Taiwan, maaaring madamay ang Pilipinas sa kaguluhan dahil sa alyansang militar nito sa Amerika.

Dahil dito, ikinukunsidera ni Tuazon ang Amerika bilang pinakamalaking estratehikong banta hindi lamang sa rehiyon, kundi pati na rin sa Pilipinas.

Kailangan aniyang pag-aralang mabuti ng mga eksperto sa polisiyang panlabas ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos ang situwasyong ito.

Kaugnay nito, iminungkahi niya ang muling pagsusuri sa mga umiiral na kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

“Kailangang simulan ang muling pagsusuri sa Visiting Forces Agreement (VFA) at iba pang tratadong panseguridad na kinabibilangan ng Mutual Defense Pact of 1951,” suhestiyon ni Tuazon.

Mahihirapan aniya ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos na tumunton sa daan ng independiyenteng polisiyang panlabas kung hindi ito kakawala sa mga galamay; sa kadena ng pagiging sunud-sunuran sa Amerika.  

Tungkol naman sa isyu ng South China Sea, idiniin ni Tuazon, na hindi ito dapat maging hadlang sa pagkakaroon ng mabuting ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

Maliban sa isyu sa dagat marami pa aniyang maaaring pagkasunduan ang dalawang bansa tulad ng negosyo at kooperasyong pang-ekonomiya, pagpapalitang tao-sa-tao, imprastruktura, at marami pang iba.

Dagdag ni Tuazon kailangang pag-ibayuhin pa ang Bilateral Consultation Mechanism (BCM) ng Pilipinas at Tsina upang maresolba ang usapin sa South China Sea.

Noong taong 2017, itinatag ng dalawang bansa ang BCM upang magkaroon ng plataporma sa pagtalakay ng mahahalagang isyu tungo sa pagsusulong ng pagtitiwalaan, seguridad at kooperasyon sa dagat.

“Huwag hayaang ang isyu ng South China Sea ay maging balakid sa pagkakaroon ng posibleng oportunidad sa kooperasyon sa ilalim ng bagong administrasyon,” aniya pa.

Sa kabilang dako, sinabi ni George Siy, na may tatlong malalaking hamong kailangang kaharapin ang kasalukuyang administrasyong Pilipino, at ang pinaka-nangangailangan ng pansin sa mga ito ay pagbibigay-solusyon sa implasyon sa presyo ng pagkain, transportasyon at elektrisidad.

George Siy


Kung may problema sa suplay ng pagkain, mabilis aniyang magkakaroon ng kaguluhan, at muntik na itong mangyari sa Pilipinas noong panahon ng kasagsagan ng pandemiya.

Kaya, mabuti aniyang priyoridad ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagpapalakas ng seguridad sa pagkain.

Ang pangalawa aniyang hamon ay ang “rebolusyong industriyal bilang 4,” na nangangahulugang pagpapabuti sa edukasyon at didyitalisasyon ng ekonomiya.

Sa pagsusulong nito, “mabilis na mababawasan ang daloy ng trapiko at mapapataas [ang husay] ng pagnenegosyo,  kahit walang masyadong investment,” saad ni Siy.

At ang pangatlo ay ang isyu sa polisiyang panlabas.

Hindi aniya dapat maging sunud-sunuran ang Pilipinas sa gusto ng ibang bansa, bagkus maaari nitong simulan ang inisyatiba sa pagbuo ng indipendiyente at mas proaktibong posisyon ng polisiyang panlabas kasama ang ASEAN, at iba pang bansa sa daigdig.

Ang online porum ay itinaguyod ng Philippine BRICS Strategic Studies at IDSI.


Tatlong eksperto kasama ang tagapamagitan na si Anna Malindog-Uy (kanan at ilalim)


Ito’y nilahukan ng mahigit 90 personahe mula sa mga sangay ng pamahalaan, akademiya, think-tank, media at iba pa.


Ulat: Rhio Zablan

Larawan: Rhio

Patnugot sa nilalaman: Jade/Rhio

Patnugot sa website: Jade