Nagpulong Hulyo 16, 2022 ang Parliamento ng Sri Lanka upang simulan ang proseso ng paghalal sa bagong president ng bansa.
Binasa rito ni Dhammika Dasanayake, Pangkalahatang Kalihim ng Parliamento ng Sri Lanka, ang liham ng pagbibitiw ni Gotabhaya Rajapaksa, dating Presidente ng bansa.
Sa liham, ipinahayag ni Rajapaksa na ang krisis pangkabuhayan ng bansa ay nagmula sa di-mabuting pangangasiwa ng pamahalaan sa ekonomiya nitong mga taong nakalipas at pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Aniya pa, isinagawa niya ang lahat ng kinakailangang hakbangin para maiwasan ang krisis.
Muling magpupulong Hulyo 19 ang Parliamento ng Sri Lanka para tanggapin ang nominasyon ng bagong presidente.
Matatandaang naganap kamakailan ang malawakang kilos protesta sa Colombo, kabisera ng Sri Lanka.
Sinugod ng mga demonstratdor sa palasyong pampanguluhan at hiniling kay Rajapaksa ang kanyang pagbibitiw.
Salin: Lito
Pulido: Rhio