Sinabi kahapon, Hulyo 17, 2022 ni Nasser Kanaani, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Iran, na patuloy na ginagamit ng Amerika ang patakarang “Iranophobia” para sulsulan ang tensyon at krisis sa Gitnang Silangan.
Matatandaang mula Hulyo 13 hanggang 16, dumalaw si Pangulong Joseph Biden ng Amerika sa Israel, at rehiyon ng Palestina na nasa kanlurang pampang ng Ilog Jordan at Saudi Arabia.
Habang nasa Saudi Arabia, sinabi ni Biden na ang mga aksyon ng Iran ay nakakasira sa katatagan ng rehiyon at hinding hindi papayag ang Amerika na magkaroon ng sandatang nuklear ang Iran.
Kaugnay nito, sinabi ni Kanaani na walang tigil na nakikialam ang Amerika sa mga suliraning panloob ng nasabing rehiyon at naglulunsad ng mga armadong pananalakay at pagsakop.