Kaugnay ng kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ng Pilipinas sa Department of Transportation (DOTr) kamakailan na agad na isagawa ang kunsultasyon sa panig Tsino hinggil sa pautang ng tatlong proyekto ng daambakal na kinabibilangan ng Subic-Clark Railway project, sinabi nitong Lunes, Hulyo 18, 2022 ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na malugod na tinatanggap ng panig Tsino ang naturang atas ni Pangulong Marcos Jr. sa DOTr at nakahandang isagawa ang komprehensibong pakikipag-ugnayan para pasulungin ang konstruksyon ng mga proyekto at tulungan ang pagtataas ng Pilipinas ng antas ng imprastruktura sa mga tradisyonal at umuusbong na mga sektor.
Sinabi ni Wang na nitong 6 na taong nakaraan, ang kooperasyon sa imprastruktura ay isang kapansin-pansing bunga ng aktuwal na kooperasyon ng Tsina at Pilipinas. Sinabi pa niyang sa ilalim ng kooperasyon ng dalawang bansa, naitayo na ang mga mahalagang imprastruktura sa Pilipinas na gaya ng mga tulay at dam.
Bukod dito, ipinahayag ni Wang na sa katatapos na pagdalaw ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina sa Pilipinas, tiniyak ng dalawang bansa ang apat na larangan ng kooperasyon sa agrikultura, imprastruktura, enerhiya at kultura. Sinabi pa niyang buong sikap na magtutulungan ang Tsina at Pilipinas para mas makinabang dalawang bansa at kanilang mga mamamayan.
Salin: Ernest
Pulido: Mac