Sa bukas na pulong ng United Nations Security Council (UNSC) tungkol sa isyu ng Ukraine, ipinahayag Hulyo 29, 2022 ni Geng Shuang, Pangalawang Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, na dapat igiit ng iba’t-ibang bansa ang komon, komprehensibo, kooperatibo, at sustenableng ideyang panseguridad.
Dagdag pa riyan, kailangan din aniyang pahalagahan ang makatuwirang pagkabahala ng isa’t-isa para maitatag ang balanse, mabisa, at sustenableng balangkas panseguridad sa rehiyon at daigdig, tungo sa magkakasamang pangangalaga ng kapayapaan.
Diin niya, dapat igiit ang “Karta ng UN,” at huwag isagawa ang “Double Standards” sa pagpapatupad ng layunin at prinsipyo ng kartang ito.
Kaugnay ng krisis ng Ukraine, sinabi ni Geng na ipinakikita nito na di maihihiwalay ang seguridad ng iba’t-ibang bansa.
Sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa seguridad ng iba at pangangalaga sa seguridad ng lahat, saka lamang tunay na maisasakatuparan ang sariling seguridad, diin pa niya.
Salin: Lito
Pulido: Rhio