CMG Komentaryo: Dapat itigil ng Hapon ang pag-aasam sa kakayahang militar

2022-08-16 09:12:00  CRI
Share with:

Nitong Agosto 15, 2022 ay ika-77 anibersaryo ng walang pasubaling pagsuko ng Hapon sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II (WWII).


Ngunit ang ikinababahala ng daigdig ay aktibong pagkilos ng naiwang puwersang militarismo sa Hapon na nagtatangkang alisin ang nakasaad na limitasyon sa Peace Constitution pagkatapos ng WWII. Partikular na ang mapanganib na kilos kamakailan ng ilang politikong Hapones sa usapin ng Taiwan, ay nakakapagpalubha sa pagkabahala ng mga tao.


Kamakailan, nilabag ni Nancy Pelosi, Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Amerika, ang prinsipyong isang Tsina at binisita ang rehiyong Taiwan ng Tsina. Ito ay kinondena ng mahigit 170 bansa at organisasyong pandaigdig.


Ngunit sa pakikipagkita ni Punong Ministro Fumio Kishida ng Hapon kay Pelosi, inihayag niya na ang isinagawang lehitimong ensayong militar ng Tsina sa karatig na karagatan ng Taiwan Strait ay “grabeng nakakaapekto sa pambansang seguridad ng Hapon.” Binitawan din niya ang pananalitang “magkasamang pangangalagaan ng Hapon at Amerika ang kapayapaan at katatagan ng Taiwan Strait.”


Bukod pa riyan, ipinalabas ng Hapon kasama ng mga iba pang bansang G7 at Unyong Europeo (EU), ang umano’y magkakasanib na pagpapahayag ng suporta sa paglapastangan ng panig Amerikano sa soberanya ng Tsina.


Matatandaang noong taong 1895, puwersahang sinakop ng Hapon ang rehiyong Taiwan at Penghu Islands sa pamamagitan ng dahas. Sa loob ng kalahating siglong paghaharing kolonyal, pinaslang ng Hapon ang mahigit 600 libong kababayang Taiwanes at ninakaw ang napakaraming yamang lokal na nagdala ng napakalaking kapahamakan sa Taiwan.


Sa “Cairo Declaration” noong 1943 at “Potsdam Declaration” noong 1945, malinaw nilang naitakdang dapat ibalik ng Hapon sa Tsina ang mga sinakop nitong teritoryong Tsino na gaya ng Taiwan at Penghu Islands. Pagkatapos nito, tinanggap ng Hapon ang “Potsdam Declaration” at walang pasubaling sumuko.


Sa magkasanib na pahayag na nilagdaan ng Tsina at Hapon noong taong 1972, malinaw na ipinahayag ng pamahalaang Hapones na lubos nitong nauunawaan at iginagalang ang posisyon ng pamahalaang Tsino na di-maihihiwalay na bahagi ng teritoryong Tsino ang Taiwan.


Ito ang pundasyong pulitikal ng relasyong Sino-Hapones.


Kataksilan ang paglimot sa kasaysayan, at posibleng magkakasala muli kung itatanggi ang nagawang krimen.


Hindi dapat kalimutan ng politikong Hapones ang napakalaking pinsalang dinala nito sa mga karatig na bansang Asyano. Dapat nitong pagsisihan ang mga ito sa bawat sandali at itigil ang mapanganib na kilos nang pagpapakawala sa kakayahang militar nito.


Salin: Lito

Pulido: Mac