Sa paanyaya ni Vyacheslav Volodin, Tagapangulo ng Russian State Duma, isinagawa ni Li Zhanshu, Pangulo ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC) ang opisyal at mapagkaibigang pagdalaw sa Rusya mula Setyembre 7 hanggang 10, 2022.
Sa kanyang pakikipagtagpo kay Pangulong Vladimir Putin ng Rusya sa Vladivostok, ipinaabot muna ni Li ang mabuting pangungumusta at pagbati ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Putin.
Sinabi niya na sa estratehikong pamumuno at pagsusulong nina Pangulong Xi at Pangulong Putin, nananatiling malakas ang tunguhin ng pag-unlad ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa sa bagong siglo.
Ani Li, kapuwa nasa masusing panahon ng historikal na pagbangon ang Tsina at Rusya, at napakalaki at napakalawak din ang potensyal ng prospek ng kooperasyon ng dalawang panig.
Nakahanda aniya ang panig Tsino, kasama ng panig Ruso, upang patuloy at matatag na katigan ang isa’t-isa sa mga isyung may kaugnayan sa nukleong kapakanan, at isakatuparan ang Global Development Initiative at Global Security Initiative na iniharap ni Pangulong Xi upang magkaroon ng mas maraming pragmatikong bunga.
Sinabi naman ni Putin na espesyal at mahalaga ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng Rusya at Tsina sa bagong siglo.
Ikinasisiya aniya ng panig Ruso ang relasyong Ruso-Sino at mga natamong bunga ng kooperasyon sa iba’t-ibang larangan.
Dagdag niya, ang pagpapalakas ng organong lehislatibo ng dalawang bansa ay makakapagpatingkad ng positibong papel sa pagpapasulong ng relasyon.
Bumati rin si Putin sa matagumpay na pagdaraos ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Salin: Lito
Pulido: Rhio