Li Zhanshu, dumalaw sa Timog Korea: relasyong Sino-Timog Koreano, isusulong

2022-09-18 14:33:31  CRI
Share with:

Mula Setyembre 15 hanggang 17, 2022, isinagawa ni Li Zhanshu, Pangulo ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina ang opisyal at mapagkaibigang pagdalaw sa Timog Korea.


Sa pakikipagtagpo kay Pangulong Yoon Seok-Youl ng bansa, ipinaabot ni Li ang mabuting pangungumusta at pagbati ni Pangulong Xi Jinping sa kanya.


Sinabi ni Li na ang kasalukuyang taon ay ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Timog Korea, at sa ipinadalang pagbati sa isa’t-isa nina Panuglong Xi at Pangulong Yoon, nilagom ang mga natamong bunga at mahahalagang karanasan sa pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, bagay na nakapagbigay-patubay sa direksyon ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang panig.


Aniya, ang maayos na paghawak sa mga sensitibong isyu ay napakahalaga sa paggarantiya ng malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Timog Koreano.


Nakahanda ang panig Tsino na palakasin kasama ng panig Timog Koreano ang pagsasanggunian at pagtutulungan sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig upang magkasamang makapagbigay ng ambag sa pagpapasulong ng kapayapaan at katatagang panrehiyon at pandaigdig, dagdag pa ni Li.


Ipinaabot naman ni Pangulong Yoon Seok-Youl ang taos-pusong pangungumusta kay Xi.


Sinabi niya na nitong 30 taong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng Timog Korea at Tsina, natamo ang napakalaking pag-unlad, at mabunga ang mga pagpapalitan at pagtutulungan sa mga larangang tulad ng kabuhayan at kalakalan, at kultura.


Umaasa aniya siyang mapapalakas pa ng kapuwa panig ang pagpapalagayan sa mataas na antas at diyalogo sa iba’t-ibang lebel upang makamtan ang mas maraming pag-unlad.


Salin: Lito

Pulido: Rhio