Ika-17 pagsasanggunian ng Tsina at Rusya sa estratehikong seguridad, idinaos

2022-09-20 16:47:02  CMG
Share with:

Idinaos nitong Lunes, Setyembre 19, 2022 sa lunsod ng Fuzhou ng lalawigang Fujian ng Tsina ang Ika-17 pagsasanggunian ng Tsina at Rusya sa estratehikong seguridad. Sumang-ayon ang dalawang panig na isakatuparan ang mga komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa sa Samarkand Summit ng Shanghai Cooperation Organization (SCO), palalimin ang pagtitiwalaan, at magkasamang pangalagaan ang estratehikong katatagang pandaigdig.


Magkasamang pinanguluhan nina Yang Jiechi, Miyembro ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Direktor ng Tanggapan ng Foreign Affairs Commission, at Nikolai Patrushev, Secretary ng Security Council ng Rusya, ang pagsasangguniang ito.


Kapwa ipinahayag ng dalawang panig na dapat katigan ng isa’t isa ang pagtahak sa landas ng pag-unlad na angkop sa kani-kanilang pambansang kalagayan at walang humpay na patatagin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.


Nagpalitan din ang dalawang panig ang palagay hinggil sa kalagayan ng rehiyong Asya-Pasipiko, isyu ng Afghanistan at Ukraine.


Salin: Ernest

Pulido: Mac