Wang Yi at Antony Blinken nag-usap; solemnang posisyon ng panig Tsino sa usapin ng Taiwan, inilahad ni Wang

2022-09-24 14:50:49  CRI
Share with:

New York Sa kanyang pakikipagtagpo nitong Setyembre 23, 2022 (local time) kay Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, sinabi ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na kasalukuyang kritikal ang lagay ng relasyong Sino-Amerikano, at dapat pag-aralan ng panig Amerikano ang leksyon mula rito.


Ani Wang, ngayo’y nasa masusing yugto ang relasyong Sino-Amerikano. Dapat aniyang itatag ang tumpak na porma ng pakikipamuhayan ng dalawang bansa batay sa responsableng atityud sa daigdig, kasaysayan, at kanilang mga mamamayan.


Bukod pa riyan, komprehensibong inilahad ni Wang ang solemnang posisyon ng panig Tsino sa maling kilos ng panig Amerikano sa usapin ng Taiwan.


Ipinagdiinan ni Wang na ang usapin ng Taiwan ay pinakanukleong kapakanan ng Tsina. Buong tatag ang determinasyon ng panig Tsino sa pangangalaga sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa. Ang usapin ng Taiwan ay suliraning panloob ng Tsina, at walang anumang karapatan ang panig Amerikano sa panghihimasok sa isasagawang kalutasan sa usaping ito.


Ipinahayag naman ni Blinken na ngayo’y nasa mahirap na panahon ang relasyong Amerikano-Sino. Ang pagpapanumbalik ng matatag na bilateral na relasyon ng dalawang bansa ay angkop sa kapakanan ng kapwa panig.


Nakahanda aniya ang panig Amerikano na matapat na makipagsanggunian at makipagdiyalogo sa panig Tsino para maiwasan ang di-pagkakaunawaan at maling pagtaya.


Inulit din niyang hindi nagbabago ang patakarang isang Tsina, at hindi kinakatigan ang “pagsasarili ng Taiwan.”


Salin: Lito

Pulido: Mac