Sa kanyang unang talumpati kamakailan sa Pangkalahatang Asemblea ng United Nations (UN), inilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 4 na malaking hamong kinakaharap ngayon ng buong mundo.
Kabilang sa mga ito ay pagbabago ng klima; pangangailangan sa mabuting pagbabahagi ng bagong teknolohiya upang maiwasan ang kaguluhang pampulitika at panlipunan; pagbabago sa polarisasyon ng heopolitika at pag-igting ng pulitikal at estratehikong kompetisyon sa pandaigdigang kayariang pulitikal; at pag-iral ng di-pagkakapantay-pantay sa loob ng mga bansa at sa pagitan ng mga bansa, tulad ng digital divide sa pagitan ng mayayamang bansa at maralitang bansa, at lumalaking utang ng mga mahirap na bansa, partikular sa panahon ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Dahil dito, mabilis na nakukuha ng mayayamang bansa ang bakuna sa kapinsalaan ng mga maralitang bansa.
Sinabi ni Marcos, na sa pagtunton sa landas ng sustenableng pag-unlad, hindi maaaring mag-isa ang anumang bansa.
Kinakailangan aniyang magkaroon ng mabuting kalagayang pandaigdig para maisakatuparan ang hangarin ng pag-unlad ng mga bansang kinabibilangan ng Pilipinas.
Sa panghuling bahagi ng kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na ang hamong kinakaharap ng bawat nasyon ay siya ring hamong kinakaharap ng lahat ng bansa.
Umaasa aniya ang mga mamamayan ng buong mundo sa kani-kanilang mga lider upang matupad ang minimithing pangarap para sa kinabukasan.
Binigyang-diin niyang upang maibigay ang pangarap ng kanilang mga mamamayan, kailangang magkaisa ang iba’t-ibang bansa sa buong mundo.
Sa kasalukuyang daigdig kung saan naghahalu-halo ang mga napakalaking pagbabago at pandemiya, lumilitaw rin ang maraming hamon, at malubhang apektado ang proseso ng pag-unlad ng buong mundo.
Dahil sa kalagayang ito, mas nananabik ang mga mamamayan ng iba’t-ibang bansa para sa mapayapang pag-unlad, mas mahigpit ang kanilang panawagan para sa pagkakapantay-pantay at katarungan, at mas masidhi ang kanilang hangarin para sa kooperasyon tungo sa win-win na resulta.
Kaugnay nito, ipinagkaloob ng Tsina ang kalutasang Tsino na kung tawagin ay Global Development Initiative (GDI).
Sa kanyang talumpati Setyembre 21, 2021 sa Pangkalahatang Debatehan ng Ika-76 na Pangkalahatang Asemblea ng UN, iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang GDI.
Kabilang sa mga layunin nito ay, pagpapauna sa kapakanan ng mga mamamayan at pagpapasulong sa pagkakapantay-pantay; pagkakaroon ng mataas na bisa at inkulsibidad ng kaunlarang pandaigdig; puspusang pagsisikap para walang anumang bansa ang maiwanan ng kaunlaran; paggalang sa landas ng pag-unlad na sariling pinili ng mga mamamayan ng iba’t-ibang bansa; paggalang sa karapatan ng pantay na pakikilahok at pantay na pag-unlad ng iba’t-ibang bansa; pagpapahalaga at totohanang paglutas sa pagkabahalang pangkaunlaran ng mga umuunlad na bansa; at paglutas sa di-pagkakapanaty sa loob ng mga bansa at sa pagitan ng mga bansa.
Dahil lubos na magkatugma ang GDI sa mahalagang pangangailangan sa pag-unlad ng mga bansa sa daigdig na kinabibilangan ng Pilipinas, nakuha nito ang positibong reaksyon mula sa UN at mahigit isang daang bansa.
Kaugnay nito, ini-upgrade noong nakalipas na 6 taon ang relasyong Pilipino-Sino sa komprehensibo’t estratehikong relasyong pangkooperasyon.
Sa panahong ito, mabisang nakontrol ng kapuwa panig ang alitan sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian, at napakabilis na naisagawa ang pragmatikong kooperasyon sa iba’t-ibang larangan.
At dahil sa malalim na ugnayan ng “Belt and Road” Initiative (BRI) ng Tsina at “Build Build Build” ng Pilipinas, naisagawa rin ang halos 40 proyektong pangkooperasyon na sumasaklaw sa maraming larangang gaya ng paglaban sa pandemiya, gawaing panaklolo sa kalamidad, konstruksyon ng mga lansangan at tulay, at kooperasyong agrikultural.
Ang mga ito ay nakakapagbigay ng aktuwal na kapakanan sa mga mamamayang Pilipino’t Tsino.
Sa panahon ng COVID-19, nagtulungan din ang Tsina at Pilipinas at patuloy na umuunlad ang bilateral na kooperasyon sa kabila ng mga negatibong epekto ng pandemiya.
Ito ay lubos na nagpapahiwatig ng napakalakas na pleksibilidad at bitalidad ng relasyong Pilipino-Sino.
May isang kasabihang Tsino, “Sa pamamagitan ng pag-iisa ng puso’t isipan, kayang makamtan ang lahat ng pinapangarap.”
Sa ilalim ng estratehikong pamumuno ng mga lider ng Tsina at Pilipinas, patuloy pang mapapalalim ang estratehiyang pangkaunlaran ng dalawang bansa, walang patid na maipagkakaloob ang bagong puwersang tagapagpasulong sa pag-unlad tungo sa paglikha ng bagong “ginintuang siglo” ng relasyong Pilipino-Sino, at maipagkakaloob ang mas maraming benepisyong pangkooperasyon sa rehiyon at buong mundo.
Salin: Lito
Pulido: Rhio