CMG Komentaryo: Tangka ng Amerika, Britanya at Australia na gawing legal ang nuclear submarine deal tiyak na mabibigo

2022-10-04 11:52:37  CRI
Share with:

Sa kapipinid na Ika-66 na Pulong ng International Atomic Energy Agency (IAEA), hindi nagtagumpay ang amendment na inihain ng Amerika, Britanya at Australia na nais gawing legal ang kanilang kooperasyon sa submarinong nuklear.


Tagumpay ito ng katarungang pandaigdig, at isang malubhang dagok sa hegemonyang may istilong Amerikano.


Mula noong Setyembre 2021, nagsasabwatan ang nasabing tatlong bansa sa kooperasyon sa submarinong nuklear. Madalas na sinasabi ng ilang politikong Amerikano at kanluranin ang “kaayusang pandaigdig na nakabase sa regulasyon,” ngunit ang kilos nila ay tumataliwas sa kanilang pananalita.


Ang kooperasyon ng tatlong bansa sa submarinong nuklear ay lumalabag sa 3 kasunduang pandaigdig.


Una, lumalabag ito sa responsibilidad at obligasyon ng mga bansang may sandatang nuklear at walang sandatang nuklear sa di-pagpapalaganap ng sandatang nuklear na naitakda sa “Treaty on the Non-Proliferation of Nuclear Weapons (NPT).”


Sapul nang magkaroon ng NPT, ang kooperasyon ng Amerika, Britanya at Australia sa submarinong nuklear ay unang pagkakataon na lantarang inilipat ng bansang may sandatang nuklear ang napakaraming materiyal ng sandatang nuklear sa bansang walang sandatang nuklear.


Ikalawa, lumalabag ito sa regulasyon ng IAEA na nagsasabing dapat nitong tiyakin ang pagsuperbisa at pamamahala para maigarantiyang ang mga kaukulang tulong ay hindi gagamitin sa anumang hangaring militar.


Ang mga inilipat na materiyal at instalasyong nuklear at kaukulang tulong na teknikal ng Amerika at Britanya sa Australia ay malinaw na para sa hangaring militar.


Ikatlo, lumalabag ito sa “South Pacific Nuclear Free Zone Treaty.”


Bilang isang signaryong bansa ng kasunduang ito, ang pagtanggap ng Australia ng mga materiyal na nuklear sa antas na sandata ay posibleng magdulot ng panganib ng kontaminasyong nuklear na malubhang makakaapekto sa konstruksyon ng sonang walang nuklear sa Timog Pasipiko.


Ang buong sangkatauhan ay isang di-maihihiwalay na komunidad ng seguridad. Ang pagkakaroon ng daigdig ng walang sandatang nuklear at magkakasamang pangangalaga sa kapayapaan at katahimikang pandaigdig ay komong mithiin ng iba’t-ibang bansa.


Ito ang mahalagang dahilan ng patuloy na pagkabigo ng tangka ng naturang tatlong bansa sa kanilang kooperasyon sa submarinong nuklear.


Salin: Lito

Pulido: Mac