Panghihimasok sa mga suliraning panloob ng Kambodya, tinututulan ng Tsina

2022-10-06 11:51:49  CRI
Share with:

Sa kanyang pagdalo sa pulong tungkol sa kalagayan ng karapatang pantao ng Kambodya sa Ika-51 Pulong ng United Nations Human Rights Council (UNHRC), ipinahayag Oktubre 5, 2022 ni Chen Xu, Pirmihang Embahador ng Tanggapang Tsino sa Geneva, ang pagtanggap at pagtiyak sa ginagawang pagsisikap at natamong bunga ng Kambodya sa aspekto ng pagpapasulong at pangangalaga sa karapatang pantao.


Tinututulan aniya ng panig Tsino ang panghihimasok ng ibang bansa sa mga suliraning panloob ng Kambodya at paglapastangan sa lehitimong karapatan at kapakanan ng mga mamamayang Kambodyano sa katuwiran ng karapatang pantao.


Sinabi ni Chen na nitong ilang taong nakalipas, aktibong pinapasulong ng Kambodya ang usapin ng konstruksyong pang-estado, pinapanatili ang katatagang pulitikal at pag-unlad ng kabuhayan, walang patid na pinatataas ang lebel ng pamumuhay ng mga mamamayan, at mabisang iginagarantiya ang karapatang pantao sa bansa.


Aniya pa, sapul nang sumiklab ang pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), mahigpit na nakikipagtulungan ang pamahalaang Kambodyano sa komunidad ng daigdig upang mabisang maproteksyunan ang buhay at kalusugan ng mga mamamayan nito.


Umaasa aniya ang panig Tsino na tutupdin ng iba’t-ibang panig ang layunin at prinsipyo ng “Karta ng UN,” igagalang ang soberanya, pagsasarili, at kabuuan ng teritoryo ng Kambodya, igagalang ang pagpili ng mga mamamayang Kambodyano sa landas ng pag-unlad, at magkakaloob ng aktuwal na tulong sa Kambodya sa pagpigil at pagkontrol sa pandemiya, pagbangon ng kabuhayan, at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan nito.


Salin: Lito

Pulido: Rhio